^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Malaking hadlang ang katiwalian

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Malaking hadlang ang katiwalian

Ang talamak na korapsiyon sa Pilipinas ang isa sa mga dahilan kaya matamlay ang mga kompanyang Amerikano na magtayo ng negosyo rito. Ayon sa Office of the U.S. Trade Representative (USTR) sa kanilang 2025 National Trade Estimate (NTE) report kay U.S. Pre­sident Donald Trump at Congress, ang korapsiyon ay laganap sa Pilipinas at itinuturing na malaking problema ng mga negosyanteng Amerikano. Malaking sagabal anila ito sa kanilang negosyo.

Nakapagtataka talaga na sa kabila ng mga biyahe ni President Ferdinand Marcos Jr. sa U.S. sa mga naka­lipas na taon, walang nakitang sigla sa pagdami ng negosyo ng mga Amerikano rito. Sabi ni Marcos noon, marami siyang bitbit pauwi na foreign investors at handang magtayo ng negosyo. Pero mangilan-ngi­lan lang ang nangahas na investors. Kaya pala, pinuproblema nila ang korapsiyon.

Nagbanta na noon ang American investors na aalisin nila ang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi na­tigil ang red tape sa maraming ahensiya ng gobyerno. Iyon ang naging daan kaya binuo ang anti-corruption task force at isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal at empleyado na sangkot sa red tape.

Pero ningas kugon ang anti-corruption task force sapagkat makalipas lamang ang ilang buwan, balik sa dating gawi ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Kamakailan, nagsagawa ng pag-aaral ang UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights, at sina­bing nananatili ang korapsiyon sa maraming sangay ng pamahalaan sa Pilipinas. Ayon sa pag-aaral, baga­mat may mga ginagawang hakbang para labanan ang korapsiyon, patuloy pa rin itong lumalaganap. Isinagawa ng UN Committee ang pag-aaral sa Geneva, Switzerland noong Pebrero 18, 2025.

Ayon pa sa pag-aaral, bagama’t may mga ahensiya ng pamahalaan na ang tungkulin ay sugpuin ang korapsiyon sa pamahalaan, gaya ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit, hindi rin magawa ang tungkulin dahil sa kakulangan ng funds at technical resources.

Maraming katiwaliang nagaganap sa Bureau of Immigration, Bureau of Customs. Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Land Transportation Office, Department of Education, Department of Health, Procurement Service-Department of Budget and Management, at Philippine National Police.

Laganap ang korapsiyon at ito ang hadlang kaya takot ang investors. Gawin ng pamahalaan ang lahat nang paraan para mapuksa ang mga korap. Kung hindi, iiwasan ng investors ang Pilipinas na mistulang maysakit na ketong.

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with