Walang kaalyado kay Trump
Akala ko, porke’t close ally tayo ng United States, exempted tayo sa tariff imposition ni President Donald Trump. Hindi pala. Inanunsiyo na niya na kasama ang Pilipinas sa papatawan ng 17 percent tariff sa mga ipapasok nating kalakal sa U.S.
Wala tayong magagawa dahil internal policy iyan ng administrasyong Trump para daw pasiglahin ang ekonomiya ng U.S. Ang pagpapataw ng nasabing tariff ay magsisimula sa susunod na linggo (Abril 9).
Talagang nag-give up na si Trump sa nakamulatan na nating papel ng U.S. bilang “big brother” ng mga maliit na bansang tulad ng Pilipinas. Pero may pakunsuwelo de bobo naman pala.
Ang 17 percent tariff sa mga iluluwas nating kalakal sa U.S. ay mas mababa kaysa 30 percent na sinisingil ng U.S. sa ibang bansa. Pero hindi tayo ang pinakamababa kundi ang Singapore na isang maunlad na bansa ngunit ang tariff na sisingilin ay 10 percent lang.
Marahil may dahilan sa preferential treatment ng U.S. sa Singapore kaysa Pilipinas na kahit saang digmaan ay dumadamay kay Uncle Sam. Anyway, wala tayong magagawa kundi tanggapin kahit masakit.
Kungsabagay, napakataas ang tariff na ipinataw sa ibang bansa sa Southeast Asia: Vietnam, 46 percent; Thailand, 36 percent; Indonesia, 32, percent; Malaysia, 34 percent; at Cambodia, 49 percent.
Kaya pinaghahanda ng pamahalaan sa posibilidad na sumirit pa lalo ang presyo ng mga bilihin dahil sa bagong patakaran ng U.S. Sabagay, sanay na tayo riyan!
- Latest