Hindi maaalis na karapatan
PUWEDE bang idemanda ng panggagahasa ang isang lalaking may asawa dahil ginahasa niya ang kanyang asawa? Ito ang sasagutin sa kaso ni Romy at Emma.
Nakilala ni Emma si Romy sa bukid kung saan nagtatrabaho ang kanyang ama. Pagkaraan ng isang taong ligawan kinasal na sila.
Noong pinanganak ang panganay nilang anak na si Nita, nagtayo ng sari-sari store ang mag-asawa. Pagkaraan ay nagnegosyo rin sila ng hardware at rice mill na pinamamahalaan ni Romy katulong ang ibang tao. Si Emma ang interesado upang lumago ang kanilang negosyo.
Pagkaraan ng 20 taon, lumago pa ang kanilang negosyo kaya bumili sila ng lupa at bahay sa siyudad nila. Tatlo na ang kanilang anak—Nita, Elma at James.
Sa unang 20 taon nang kanilang pagsasama wala silang naging problema. Ngunit matapos ang 22 taon naging malupit na si Romy. Palaging pinupuwersa na ni Romy si Emma na makipagtalik, kaya nagsampa si Emma ng reklamo ng panggagahasa sa asawa.
Pero sabi ni Romy nag-imbento lang si Emma ng kanyang reklamo dahil kinuha niya ang pamamahala ng kanilang negosyo. Sabi pa ni Romy, ginagawa ni Emma ang kuwento upang itago ang pangangaliwa.
Sabi ng RTC, may sala si Romy, kinumpirma ito ng Court of Appeals (CA). Sabi ng CA ay pinuwersa talaga ang biktima na makipagtalik. Ayon pa sa CA na walang asawang babae na may tamang pag-iisip ang pararatangan ang kanyang asawa ng panggagahasa kundi ito totoo.
Umapela si Romy sa Korte Suprema. Ayon sa kanya, ang pagtatalik ng magasawa ay karapatan at tungkulin ng mag-asawa. Tama ba si Romy?
Mali. Ang panggagahasa ng asawa ay isang krimen laban sa tao at hindi krimen laban sa kapurihan. Hindi maaaring ituring na magkaiba ang panggahasa sa asawa at sa panggagahasa ng ordinaryong tao.
Ang lisensiya ng kasal ay di nangangahulugan na puwedeng gahasain ng lalaki ang kanyang asawa. May karapatan ang mga babae sa kanyang katawan. Magpasya kung gusto o ayaw niyang makipagtalik. Hindi siya puwedeng pwersahin at hindi ito pwedeng ipagkait dahil lang sa pag-aasawa (People vs. Jumawan, G.R. 187495, April 21, 2014).
- Latest