Ang ideyal na blood pressure
Ang pinakamainam o ideyal na blood pressure ay 120 over 80. Kung mas mababa pa rito ay okay din.
Pero siyempre, ayaw nating sobrang baba ang presyon (mas mababa pa sa 90 over 60) dahil baka senyales din ito ng mahinang puso.
Mga dahilan ng high blood pressure o altapresyon – Dalawa ang pinanggagalingan ng high blood pressure altapresyon. Una, namana ninyo ito sa mga magulang. Pangalawa, nakuha n’yo ito sa maling pamumuhay tulad ng paninigarilyo, pagiging lampas sa timbang, pagkain ng sobrang alat at matataba at kulang sa ehersisyo.
Mayroon pang ibang mga dahilan na puwedeng magpataas ng inyong presyon gaya ng pagpupuyat, kulang sa tulog, laging nagagalit, sobrang init ng panahon, at sakit sa bato.
Sintomas ng altapresyon – Walang sintomas ang altapresyon. Kadalasan, walang nararamdaman ang taong may high blood. Kaya nga tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanganganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pang nararamdaman.
Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas, tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo. Masasabing mapalad ang taong may sintomas dahil mas maaga silang nakapagpapa-check up sa doktor.
Mga kumplikasyon ng high blood – Maraming kumplikasyon ang high blood katulad ng stroke, pagkabulag, sakit sa bato at atake sa puso.
Magpatingin agad sa doktor kapag ang inyong presyon ay lampas 140 over 90 para mabigyan agad ng lunas.
- Latest