Pangalanan ang ‘ex-PNP chief’
Isang dating Philippine National Police (PNP) chief umano ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para makalabas ng bansa. Ang “ex-PNP chief” na ito umano ay nasa payroll ng POGO ni Guo.
Ang pagkakadawit ng ex-PNP chief ay ibinulgar ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) official at dating ISAFP officer Raul Villanueva. Humarap si Villanueva sa pagdinig ng Senado noong Martes at sinabi nitong ang “ex-PNP chief” ay maaaring tumulong para makalabas ng bansa si Guo at mga kasama.
Nakalabas ng bansa si Guo noong Hulyo 18 sa pamamagitan umano ng pagsakay sa speedboat at saka lumipat sa malaking barko na naghatid sa kanila sa Malaysia. Mula Malaysia, nagtungo sila sa Singapore at saka sa Indonesia.
Nahuli siya ng Indonesian police noong Setyembre 4 sa isang bahay na pag-aari ng isang monk. Sinundo siya nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief Gen. Rommel Marbil at ibinalik sa bansa noong Setyembre 6. Bago iyon, una nang naaresto sina Cassandra Li Ong at Shiela Guo noong Agosto 20 sa isang mall sa Indonesia. Sina Cassandra at Shiela ay sangkot sa illegal POGO operations.
Dapat ibunyag kung sino ang “ex-PNP chief” na sangkot upang maibsan ang haka-haka na ginagamit lamang ng mga mambabatas ang pagbubulgar ng resource persons upang makakuha ng pogi point sa nalalapit na 2025 midterm election.
Unfair din ito sa mga dating PNP chief na naglingkod sa termino ni ex-President Duterte at kasalukuyang President Ferdinand Marcos Jr. Sinabi naman ni General Marbil na 24 na dating PNP chief ang iniimbestigahan na. Hinimok naman ni Marbil si Pagcor official Villanueva na pangalanan ang “ex-PNP chief” na sinabi niyang tumulong para makatakas si Guo. Kapag hindi raw pinangalanan ni Villanueva ang “ex-PNP chief” ang Criminal Investigation Group (CIDG) ang mag-iimbestiga para matukoy ang “ex-PNP chief”.
Nararapat pangalanan ang “ex-PNP chief” para hindi na mag-isip pa ang mamamayan kung sino ito. Para mapanatag din ang isipan ng mga dating PNP chief. Abangan!
- Latest