Kumain ng prutas, gulay at kamote
NARITO ang mga masustansiyang prutas na may benepisyo sa katawan:
1. Ubas – Ang ubas ay may tannins at flavonoids na puwedeng makapigil sa kanser. Kumain ng ubas kung ika’y nagpapagaling sa sakit. At kapag kulang sa dugo at mahina ang katawan, kumain ng ubas para manumbalik ang iyong sigla.
2. Pakwan – Panlaban ito sa sakit sa bato at pantog. Punumpuno ng vitamin C at potassium na kailangan ng ating katawan.
3. Peras – Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis sa dumi. Ang sorbitol naman ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi.
4. Suha – Nakatutulong para makaiwas sa kanser at diabetes. Ang balat nito ay may sangkap na bioflavonoid na nakatutulong para makaiwas sa breast cancer. Kung may diabetes, 3 o 4 na hiwa lang ang kainin.
5. Strawberry – Naniniwala ang mga eksperto na panlaban ito sa kanser. Mag-ingat lang kung allergic sa strawberry. Hugasan muna ito bago kainin.
6. Saging – Mainam ang saging sa mga nag-eehersisyo at may sakit sa puso dahil may taglay itong potassium. Para sa hindi makatulog at stressed, nakapagpapa-relax ito dahil sa sangkap na tryptophan.
7. Abokado – Ang abokado ay may taglay na good fats at healthy oils. Dahil dito, nakatutulong ito sa pag-iwas sa sakit sa puso at istrok. May sangkap din itong vitamin B6 at vitamin E na nagpapakinis ng balat.
8. Papaya – Mataas sa vitamin A at vitamin C ang papaya kaya nakatutulong sa kutis. Ang papaya ay may papain, isang kemikal na tumutulong sa pagtunaw ng pagkain at regular ng pagdumi.
9. Pinya – Ito ay may bromelain na nagpapalakas ng resistensya. May sangkap din itong manganese at vitamin B na nagbibigay lakas sa katawan.
10. Buko – Ang buko juice at nakatutulong sa may kidney stones.
11. Mansanas – Mayroon itong vitamin C at anti-oxidants. Mahalaga na kainin din ang balat nito dahil may taglay itong pectin na nagtatanggal ng dumi sa katawan. Panlaban din ito sa mataas na cholesterol, arthritis at sakit ng tiyan.
12. Orange – Masagana ang orange sa vitamin C na panlaban sa sipon, ubo, hika at arthritis.
* * *
Gulay
Para sa inyong kaalaman, napakaraming benepisyo sa pagkain ng gulay. Narito po ang mga iyon:
1. Para kumpleto sa bitamina – Ilan sa mga masustansyang gulay ay ang broccoli, cauliflower, kangkong, pechay, ampalaya, malunggay, spinach, talong, okra at talbos ng kamote.
2. Panlaban sa sakit – Ang gulay ay maganda ring panlaban sa sakit tulad ng sakit sa puso, high blood pressure, diabetes, at sakit sa tiyan.
3. Makaiiwas sa kanser – Ayon sa pagsusuri, ang pagkain ng sapat na gulay at prutas araw-araw ay makababawas sa pagkakaroon ng kanser ng 3 to 10%.
4. Para maging regular ang pagdumi – Mataas ito sa fiber na nagsisilbing walis na lumilinis sa ating bituka. Bawasan ang pagkain ng karne at taba na kulang sa fiber.
5. Panlaban sa stress – Ang gulay ay mataas sa vitamin B, na makatutulong sa ating ugat at makababawas sa stress.
* * *
Kamote
Napakaraming benepisyo rin ang makukuha mula sa pagkain ng kamote (sweet potato). Mabuti ito para sa puso, mata, tiyan, diabetes at nagpapapayat. Mura rin ito at mabibili sa buong taon.
Narito pa ang mga benepisyo:
1. May beta-carotene or provitamin A para sa mata, puso, pagbabara ng ugat at kakulangan ng daloy ng dugo sa mga ugat ng puso, ulo, at sa immunity.
2. Nababagay ang kamote sa may diabetes dahil mababa sa glycemic index kaya dahan-dahang magpataas ng asukal sa dugo. Puwede rin sa mga atleta, may mabigat na trabaho o nagpapagaling na may sakit.
3. Ang kamote ay bagay sa nagpapapayat dahil mababa sa calories, matagal na busog kaya hindi makakakain nang marami.
4. Merong protease inhibitor na maaring makatulong sa pag-iwas ng kanser.
5. Merong iron at vitamin C pinagsama na sa isang gulay.
6. Sa may kidneys stones, may calcium oxalate ang kamote kaya ingat na huwag maraming kainin.
7. Maganda sa tiyan ang kamote dahil tumutulong sa pagbuhay ng healthy bacteria tulad ng bifidobacterium at lactobacillus.
- Latest