^

PSN Opinyon

Dehado?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAKABALIK na si Pres. Bongbong Marcos Jr. mula sa tatlong araw na opisyal na pagbisita sa U.S. kung saan nakipag­pulong kay Pres. Donald Trump para talakayin ang mga usapin sa kalakalan at seguridad. Ang resulta ng trade talks ay pag­baba sa 19 percent ng taripa sa mga produkto ng Pilipinas, habang ang ilang mga kalakal ng U.S. tulad ng mga sasak­yan ay walang taripa.

Ang taripa ay binabayaran ng kompanyang nag-aangkat. Hindi ito binabayaran ng bansang pinagmulan na iginiit ni Trump sa kanyang kampanya. Ngayong presidente na muli, binago na ang interpretasyon. Sinabihan pa nga ang mga kompanya na saluhin ang taripa at huwag ipasa sa mga ma­mimili dahil magmumukha siyang masama.

Pangunahing mga produkto na iniluluwas ng Pilipinas­ ay ang mga semiconductor at produktong elektroniko, kaga­mitan sa transportasyon, piyesa ng kotse, kasuotan, pro­duk­tong kemikal, tanso, nikel, abaca, langis ng niyog, at mga pru­tas. Lahat ng mga produktong iyon ay sasailalim sa 19 pe­cent na taripa sa sandaling makarating sa U.S., na sasagutin ng kompanyang nag-aangkat. Ipapasa naman nila ito sa mga mamimili, na nagpapataas ng presyo para sa mga Amerikano.

May nagsasabi na tila dehado ang bansa sa naganap na kasunduan sa pagitan ni Pangulong Marcos Jr. at Trump. Dehado ang mga produkto ng Pilipinas sa 19 percent na taripa, na mas mataas pa sa 17 percent na unang inihayag ni Trump sa kanyang “Liberation Day.” Kung paano ito nakakaapekto sa mga lokal na kumpanya ay hindi pa natin alam. Dapat pag-usapan ang mataas na taripa na ipinataw sa mga kalakal ng Pilipinas kung apektado na ang mga kumpanya.

Iginiit naman ng administrasyon ang $21 bilyon pangakong pamumuhunan ng U.S., at idinagdag na mayroon silang potensiyal na lumikha ng mga trabaho. Alam nating lahat ang mga ipinangako ng China noong administrasyong Duterte na karamihan ay wala namang nangyari. Hihintayin pa natin kung mangyayari nga ang mga ipinangako ng U.S..

Bukod sa mga trade deal na ginawa, pinalakas naman ang ugnayan ng depensa ng dalawang bansa, partikular ang pangako ng U.S. sa Mutual Defense Treaty noong 1951, na muntik nang ibasura ni dating President Duterte. Pinag-uusa­pan pa nga ang pagtatayo ng U.S. ng pabrika at imbakan ng amunisyon sa Subic Bay. Ngunit mayroon nang umaalma sa planong ito.

Ginagawa ng administrasyong Marcos ang lahat para palakasin ang ugnayan sa U.S.. Sa pagiging mas agresibo ng China sa South China Sea, kailangan natin ng superpower na susuporta sa atin sakaling magkaroon ng problema. At maaaring magkaroon ng gulo sa pagitan ng China at Taiwan, kung saan ang bansa ay maaaring masangkot.

 

BBM

MARCOS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with