Drug syndicates walang takot
Nakapagtataka. Sa kabila ng sinasabing mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na droga, tila walang takot at pangingilag ang mga sindikato ng droga sa bansa.
Hindi na palihim ang pangangalakal ng droga sa ngayon kundi “on-line” na. Ibig sabihin, ang isang user ay puwede nang mag-access sa mga apps ng mga drug traders para bumili ng droga. Nakababahala ito.
Mismong ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagbunyag sa sistemang ito ng mga na-ngangalakal ng droga na gumagamit ng social media para magbenta ng kanilang ilegal na kalakal. Sa palagay ko ay matagal nang ginagawa ito ng mga sindikato.
Ang social media ay for public consumption. Ito’y puwedeng buksan at gamitin ng lahat ng taong maalam sa computer sa pagkuha ng impormasyon. Napag-iwanan na nga ang main stream media gaya ng pahayagan, radyo at telebisyon dahil bago nila ito maibalita ay viral na sa social media ang lahat ng balita, totoo man o peke.
Kaya nakapagtataka kung bakit ngayon lamang ito napansin ng mga awtoridad na naatasang sugpuin ang bawal na gamot. Yung mga ibang cyber crime gaya ng pamba-blackmail sa mga kababaihang binabantaang ilalantad ang kanilang mga hubad na larawan kung hindi gagawin ang hinihinging pabor ng blackmailer ay madaling matunton.
Bakit itong may kinalaman sa pagbebenta ng droga ay ngayon lang inilantad sa publiko? Ayon sa PDEA, kabilang sa mga ibinebenta on-line ay ang tinatawag na injectable shabu. Nagiging popular daw ito sa kabataan dahil sa magandang epekto nito sa sexual performance. Kaso, babala ng PDEA na maaaring agad magdulot ito ng drug overdose na posibleng ikamatay ng gumagamit.
Inamin ni PDEA Director General Aaron Aquino na paparami ang insidente ng on-line selling ng droga, indikasyon na nagiging mapangahas ang mga drug syndicates at wala nang awtoridad na kinatatakutan.Talaga nga bang mabagsik ang kampanya ng gobyerno kontra sa droga o mas mabalasik at matapang ang mga sindikato?
- Latest