Abaya dapat managot sa ‘tanim-bala’
IBINASURA na ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban sa Hongkong-based OFW na si Gloria Ortinez na biktima ng “tanim-bala” sa NAIA.
Wala raw probable cause. Korek! Wika nga “small step in the right direction” para managot ang lahat ng nagsabwatan. Prosecute them to the fullest extent of the law. Dapat tiyakin ng DOJ na malilinis ang pangalan ng lahat ng mga inosenteng tinaniman ng bala sa NAIA upang sila’y kikilan ng mga mangongotong. Mantakin ninyo ang abalang ginawa nito kay Ortinez na hindi na nakabalik sa Hongkong at namimingit mawalan ng trabaho.
Naunang sinabi ni Sen. Francis Escudero na ang tanim-bala ay isang iskema ng grupo ng mga tao na nakatalaga sa mga sensitibong lugar sa NAIA na ang layunin ay mangotong ng taong papalabas ng bansa sa NAIA. Pero para kay GM Bodet Honrado, walang ganyang sindikato sa NAIA.
Korek si Sen. Chiz sa pagsasabing hindi ang bala ang problema kundi ang mga bulok na taong ito na nanggigipit ng mga pasahero para makapangotong.
Ani Escudero sina Transportation Secretary Jose Emilio Abaya at NAIA Airport General Manager Jose Angel Honrado ang dapat panagutin at sipain sa puwesto sa kawalanghiyaang ginagawa ng mga taong kanilang nasasakupan. Biruin mo na nang igisa ang dalawang ito sa Senado ay walang matinong sagot na ibinigay. Nagtuturuan kung sino ang may sala!
Sa tingin ko, economic sabotage ang ginagawa nila dahil nasisira ang imahe ng Pilipinas at naaapektuhan ang industriya ng turismo.
Si Ortinez ay halos tatlong dekada nang pabalik-balik sa Hongkong at Pilipinas. Dahil sa insidenteng kinasangkutan niya, peligrosong mawalan siya ng trabaho.
Ang nakakainis pa at nakakakulo ng dugo ay ang sinabi niN Ortinez na binalaan pa siyang ipaparada sa paliparan na nakaposas na animo’y kriminal kung hindi niya lalagdaan ang mga dokumentong na nagsasabing nahulihan siya ng bala sa kanyang daladalahan.
Ang kaso ni Ortinez ay maaaring hindi ang kauna-unahang insidente ng tanim-bala pero ito ang unang nabigyan ng pandaigdig na atensyon sa media. Ang maganda sa pangyayaring ito, lumakas na rin ang loob ng ibang naging biktima na lumantad upang magharap ng reklamo.
- Latest