PBBM, huwag padikta kay ‘Dragon Lady’
Ang galing ng leader ay nasusukat sa kakayahang magdesisyon nang hindi “binubulungan”. Pero ano itong balita na may isang “dragona” sa Palasyo na nakikialam kay Pres. Bongbong Marcos lalo sa pagtatalaga o pagsibak sa mga opisyal? Masyado raw “bagyo” sa first couple, lalo na kay Misis.
Noong Presidente pa si Fidel Ramos, may isang Leni de Jesus na Dragon Lady rin ang bansag. Pero mas matindi ngayon. Tinatakot ang mga ayaw yumukod sa kanya. Kasama sa mga napaalis niya sa bisa ng “bulong power” si dating Presidential Management Staff Sec. Naida Angpin, at presidential adviser on legal affairs Dong Mendoza na mahusay naman ang performance. Porke ‘di kursunada isang bulong lang, sibak agad! Si Atty. Cheloy Garafil na dating hepe ng Presidential Communications Office ay ipinatapon sa ibang puwestong malayo sa kusina.
Next target ngayon si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo. And wait, there’s more! Gusto rin niyang masipa si Executive Secretary Lucas Bersamin dahil sa corruption issue! Ayon sa aking source, umaakto lang si Dragona sa atas ng mas nakatataas, at ito’y mismong si Misis. Kahit ‘yung mga most trusted ng Pangulo ay puwedeng tanggalin kapag nakursunadahan ni Dragona.
Ang nakaiinis, kung sino pa ang may silbi sa cabinet, sila pa ang nasisipa at ‘yung mga ‘di karapat-dapat ang nananatili sa puwesto. Kaya naman pala sinipa si Presidential Adviser on Legal Affairs Dong Mendoza ay para mawalan ng backbone si SAP Anton Lagdameo.
Kursunada ring mawala sa eksena ni Dragona ang mga USec at mga second in command ng mga retained cabinet members. Kayang-kaya niyang paikutin ang mag-asawa na super trusting sa kanya! Ingat Mr. President dahil iyan ang magpapabagsak sa’yo!
And here’s even more. May talaan na raw si Dragona ng mga personahe na pagpipiliang ipalit kay Ombudsman Sam Martires, at ang pantakot niya sa mga ‘di kursunadang opisyal ay: “Lagot kayo pag-upo ng bagong Ombudsman. Iisa-isahin kayo!”
Kahit daw mga tigasing General at Colonel na gustong lumusot sa Commission on Appointment ay dapat magmano muna kay Dragona para tiyakin daw ang basbas ni President Bongbong.
- Latest















