INC power?
SA matagal na panahon, nakatatak na sa isip ng mga Pilipino na isang malakas na impluwensya ang Iglesia ni Cristo (INC) sa politika. Kaya tuwing nalalapit ang eleksyon, halos lahat ng mga kumakandidato ay “nagmamano” sa pamunuan ng iglesya para humingi ng “bendisyon” at makuha ang boto ng higit sa 2 milyong kasapi nito.
Pero nagka-lamat ang integridad ng samahang relihiyoso nang mapaulat na may mga ministro na umano’y dinukot mismo ng mga nakatataas sa iglesya, bagay na ipinasyang siyasatin ng Department of Justice (DOJ) sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima. Sinasabi na ang mga ministrong ito ay nagsisipagprotesta laban sa katiwalian sa loob ng INC.
Ang kasunod nito’y batid na ng lahat. Nagdaos ng protest rally ang ilang kasapi ng INC sa harap ng DOJ na umabot hanggang EDSA at tumagal ng halos limang araw at naging dahilan para lalung magsikip ang dati ng masikip na trapiko. Ipinroprotesta nila ang pakikialam umano ng gobyerno sa problema ng INC. Ngunit sa tingin ng marami, ito ay isang kaso ng krimen na kahit sino pa ang sangkot ay dapat imbestigahan upang lumutang ang totoo at managot ang mga nagkasala kung mayroon man. Kaya gusto ng INC na masibak sa tungkulin si Sec. de Lima na tumutupad lang sa tungkulin. Buti na lang at tinapos na ng INC ang perhuwisyong rali nito matapos makipag-usap kay Presidente Aquino. Pero ang tanong, ano ang naging quid proco o kondisyon para itigil ang kanilang kilos-protesta? Ang mga espekulasyon ay ang pagbibitiw sa tungkulin ni de Lima, bagay na kanya namang pinabulaanan.
Pero nagsisipagbunyi ang mga ralistang INC at ipinagsisigawang “tagumpay” sila sa kanilang mass action?
Pinahanga ako ni de Lima. Alam ng lahat na tatakbo siya sa pagka-senador pero hindi siya yumukod sa INC na posibleng magbigay ng panalo sa kanya. Basta ang inisip niya ay ang pagtupad nang tama sa kanyang tungkulin bilang justice secretary. Kung yung ibang mga politiko ay tila pumanig sa INC sa pagsasabing ipinagtatanggol lang ng iglesya ang karapatan, hindi natinag si de Lima at sinabing itutuloy ang imbestigasyon at pag-uusig sa kasong ito.
Binigyang diin din ni de Lima na magbibitiw lang siya sa puwesto sa takdang panahon at iyan ay alam na natin. Kapag naghain na siya ng certificate of candidacy.
- Latest