Umiinit ang labanan sa Davao City
DALAWANG linggo na lang at gaganapin na ang midterm elections. Marami na ang nasasabik sa magiging resulta ng May 12 elections lalo na rito sa Davao City.
Umiinit ang labanan sa local politics dito sa Davao sa pagitan ni dating President Rodrigo Duterte na ngayon ay nakapiit sa detention cell ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague at ni Atty. Karlo Nograles sa pagka-mayor ng siyudad.
Nasa ICC detention cell si dating President Duterte mula pa noong Marso 11. Galing Hong Kong si Dutete at inabangan siya sa NAIA ng Interpol sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at inihain ang warrant of arrest dahil sa kasong crime against humanity.
Magsisimula ang pagdinig sa kaso ni Duterte sa Setyembre 2025. Mga dayuhang abogado ang magtatanggol sa dating Presidente na naniniwalang mapapawalang-sala ito.
Sa kabila naman na nakakulong, patuloy ang pagtakbo ni Duterte laban kay Nograles bilang mayor. Hindi siya pinababayaan ng mga anak sa pangangampanya, kasali na ang pangangampanya sa mga senatorial slate ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban ng Pilipinas (PDP-Laban).
Maging si Vice President Sara Duterte at ang kanyang mga kapatid na sina Mayor Sebastian “Baste” Duterte at first district Rep. Paolo Duterte ay abala sa pangangampanya para sa ama.
Maging si Veronica “Kitty” Duterte ay tumutulong din sa pangangampanya para sa PDP-Laban candidates.
Kaya kaabang-abang ang May 12 elections dito sa Davao. Marami ang nananabik kung ano ang magiging resulta ng labanan nina Duterte at Nograles.
- Latest