Maging ligtas sa mataong lugar
(Iwas stampede)
MAY pagkakataon na mapupunta ka sa mataong lugar. Baka mapunta ka sa isang prusisyon, concert, palabas, fiesta o mall.
Minsan hindi natin inaasahan ang pagkakaroon ng aksidente. May hinihimatay sa kakulangan ng oxygen dahil sa dami ng tao. May nagtutulakan at nasusugatan. At nakakatakot ang mga stampede kung saan may namamatay.
Heto ang aking payo para sa inyong kaligtasan:
Kung may edad o may sakit, baka puwedeng huwag na lang pumunta sa mataong lugar. Baka mahawa pa kayo sa mga sakit.
Kumain muna at inumin ang maintenance na gamot bago pumunta sa naturang lugar.
Magdala ng sariling tubig inumin dahil baka mauhaw o mahilo.
Puwedeng magbaon ng tissue at alcohol, at baka sakaling gagamit ng kobeta o masugatan.
Kung magbabaon ng pagkain, piliin ang tuyo na pagkain na hindi madaling mapanis. Puwede din magdala ng biscuit, tinapay o saging.
Pumunta ng regular sa banyo o portalet para umihi. Masama ang matagalang pagpipigil ng ihi.
Umiwas sa sakit. Ilagay ang iyong kamay sa iyong bulsa. Huwag humawak sa ibang tao.
Mag-ingat sa magnanakaw. Ilagay ang iyong pitaka sa harap ng pantalon.
I-charge ang iyong cellphone. Kausapin ang iyong kasama kung saan kayo magkikita kung sakaling magkawalaan.
Alamin kung saan ang Emergency Exit o Labasan sa naturang lugar. Maraming aksidente ang nangyayari dahil hindi alam ng tao kung saan ang labasan. Dahil dito, nag-tutulakan sila sa ibang direksyon.
Kung sakaling may Stampede, maghanap ng dingding (wall) at ilapat ang iyong likod dito. Unti-unting pumunta sa labasan habang nakadikit ang iyong likod sa dingding. Mas hindi ka maiipit ng mga nagtutulakang tao.
Pumunta ng maaga at umuwi ng maaga bago pa matapos ang concert o event. Huwag nang sumabay sa paglabas ng maraming tao.
Tandaan: Maging kalmado at gamitin ang isipan. Alalahanin din ang kapakanan ng ibang tao. God bless po.
- Latest