‘Kahinaan ng batas-lansangan’
SUNUD-SUNOD ang insidente ng mga inaabusong traffic enforcer ng mga “tarantado” at naghahari-harian sa lansangan.
Nagiging malaking balita lang ito at isyung-nasyunal subalit hindi naman talaga binibigyan ng pansin at atensyon hanggang sa lilipas nalang na naman ito at mabaon sa kalimot.
Ang mga kinauukulan, magagaling lang maki-sawsa-wangkas-sakay kapag mainit at bago pa ang isyu. Sila ang mga mambabatas na matagal ko ng sinasaltik at tinatawagan ng pansin sa aking programang BITAG Live na magpasa ng batas hinggil sa mga bastos, walang modo, walang disiplina at tarantadong motorista.
Ginamit ko ang salitang tarantado dahil sa kanilang pinaggagagawang katarantaduhan, hindi sa kanilang pagkatao. Hindi gumagalang sa mga batas-trapiko maging sa mga itinalagang magpatupad nito.
Karapatan yata at hindi prebilihiyo kung ituring nila ang pagmamaneho na ipinagkaloob sa kanila ng estado. Tsk…tsk!
Hindi na bago ang insidenteng pangangaladkad sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) constable na si Sonny Acosta na namatay dalawang araw bago mag-Pasko matapos munang ilang araw na ma-comatose.
Ganito rin halos ang nangyari doon sa inabuso ng driver ng Maserati na si Joseph Russel Ingco sa traffic enforcer na si Jurbe Adriatico noong Nobyembre. Ang pagkakaiba lang, buhay pa ang pobre.
Sa ganitong mga pangyayari, sariwa pa rin sa isipan ng marami ang iba pang mga tarantadong road rager na sina Robert Blaire Carabuena at Bulacan Mayor Patrick Meneses. Nililinaw ko ulit, tinawag ko silang tarantado hindi dahil sa kanilang pagkatao kundi dahil doon sa kanilang asal at pinaggagawa.
Sa ganitong mga usapin, isa lang ang patuloy pa ring panawagan ng BITAG Live, dapat magsalita si Pangulong Noy Aquino, pamunuan ng Philippine National Police (PNP), Justice Sec. Leila De Lima, Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO).
Gumawa sila ng anunsyo na hindi nila kino-kondena, pinipikitan o hinahayaang lumipas at mabaon nalang na naman ito sa kalimot. Nang sa gayun hindi na pamarisan ng kung sino pang mga nagsisiga-sigaan, bastos at putok sa buhong mga nag-aastang sino sa kalsada.
Hindi na mabilang ang road rage sa lansangan at siguradong dadami pa ito dahil wala naman talagang nasasampolan at natuturuan ng leksyon.
Kawalang-ngipin at kahinaan ng batas ang pangunahing dahilan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest