‘Gatas sa rehas’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
HINDI pa niya naisasayad ang dalawang paa sa sahig, mabilis na itong inaangat sa pagyugyog ng kama ng lakeng hayok sa bubot niyang katawan.
“Pwersahan niya kong hiniga. Hindi na niya inilapag ng buo sa kama ang paa ko, hinayaan niyang nakalaylay lang ang hita ko … pumatong na siya agad…” pagbabalik tanaw ni ‘Karyl’.
Aligaga… hindi makatulog at takot sa lahat ng lalakeng makasalubong. Ganito nakaapekto kay ‘Karyl’ (di tunay na pangalan) ang panggagahasa umano ni Luis Villacruis, kumpare ng kanyang amang si Romeo Comerciase, 49 anyos.
Ika-25 ng Hunyo 2014 ng magpunta sa aming tanggapan si Karyl kasama ang kanyang mga magulang. Itinampok namin sa’ming programa sa radyo ang istorya ni Karyl at amin na rin itong naisulat sa aming pitak. Amin itong pinamagatang, “Si pare, tumalo ng may gatas pa sa labi…”
Sa isang pagbabalik tanaw, hango mismo sa kwento ng batang si Karyl; Makakatakas na sana ang 15 anyos na si ‘Karyl’ kay Luis. Mabilis siyang sumakay ng dyip pauwi matapos makita ang nakapaskil na ‘poster’ na iba’t ibang kwarto ang nakalarawan subalit sinundan siya ni Luis hanggang Kabayanan at ibinalik sa apartel.
Pangalawa sa limang magkakapatid si Karyl. Lahat sila nasa Bicol. Laki naman siya sa kanyang lola na si Cecilia, 74 anyos taga Muntinlupa City.
Kasama niya sa isang compound ang kanyang tiya Len, 35 anyos at tatlo nitong anak. Parehong nagtatrababaho sa Maynila ang kanyang mga magulang. Ang ina niyang si Maricel, kusinera sa Alabang. Nagpapa- ‘rippa’ (pabola) naman ng grocery items ang kanyang ama sa Alabang Market.
Dalawang beses huminto sa pag-aaral si Karyl. Naging abala na lang siya sa pagbabantay ng tinadahan ng kanyang lola.
Mayo 2014, umuwi ng Bicol ang kanyang ina kaya’t si Karyl ang nag-ayos ng mga damit ng amang si Romeo.
“Dinadala ko yun sa palengke tuwing Miyerkules at Linggo,” ani Karyl.
Mayo 21, 2014 bumisita siya sa ama. Nakita siya ng kumpare nito na si Luis, tindero ng isda sa palengke. Dalawang beses na umanong nabiyudo.
Kwento ni Karyl, dati raw umupa sa bahay ng kanyang lola sa Alabang
itong si Luis. Parehong araw habang kumakain siya sa loob ng palangke dumating si Luis at sinabing may ipapadala sa kanyang ‘groceries’ at ang P450.
Nagpaalam si Karyl sa amang si Romeo. Pumayag naman daw ito. Mabilis na umalis ang dalawa. Bumili sila ng kape at milo sa palengke. Sumakay sila ng traysikel at bumaba sa ilalim ng tulay sa Kabayanan at saka raw sila sumakay ng dyip, byaheng Muntinlupa.
Pumara si Luis sa Summit Ville sa isang apartelle. Kwento ni Karyl, may kainan sa baba nun, dun siya iniwan ni Luis. Nagmasid siya, nakita niyang nakapaskil ang mga larawan ng kwarto (poster). Kinabahan siya, agad siyang umalis sa lugar at sumakay sa dyip. Pagbaba sa bayan nakita niyang nag-aabang na si Luis. Hinila siya nito sa kamay sabay sabing, “May pag-uusapan tayo!”
Dinala siya sa Jollibee at pinakain, “May bf ka na ba?” tanong nito.
Matigas na sagot ni Karyl, “Wala…” Nagulat si Karyl ng sabihin daw ni Luis na “Mahal kita…” “Hindi pwede!” sagot ng bata.
Hinayaan muna ni Luis si Karyl at namilit na bumalik sa apartelle para kunin ang groceries.“Kinakabahan ako pero natatakot akong ‘di sumunod,” aniya.
Pinaakyat siya sa taas nitong lalake at itinuro nito ang puting pinto.
“Dun, dun tayo pupunta,” utos daw nito.
Pinasok niya sa kwarto si Karyl. Mabilis nitong sinara ang pinto, pinatay ang mga ilaw. Hinawakan niya si Karyl ng mahigpit sa braso at pilit na inihiga habang nakalaylay ang mga paa sa sahig. Sabay dagan sa kanya.
“Papatayin kita! ‘Wag kang magsusumbong!” banta daw ni Luis.
Hinalikan siya nito sa labi subalit nanlaban si Karyl. Leeg naman ang pinuntirya niya. “Hinubad niya ang shorts at brief niya hanggang tuhod. Hinubaran din niya ako. Nagpumiglas ako pero malakas siya sa akin kaya natanggal niya ang panty ko hanggang paa,” kwento ni Karyl.
Naramdaman na lang niyang pinasok nito ang ari niya sa kanyang ari.
“Ang katawan niya matigas… parang bangkay at namumula ang mga mata. Parang nakainom din siya. Mabilis siyang pumasok sa aking pagkakababae… ilang sandali lang tumayo siya at nagbihis.” kwento ni Karyl.
Bago lumabas ng kwarto bilin pa raw nito, “Wag kang magsusumbong!”
Naiwang umiiyak sa kama si Karyl. Nagsuot siya ng panty at dumiretso sa banyo. “Umihi ako naramdaman ko ang sakit. Nandiri ako’t naghugas ng mabuti,” pag-alala ni Karyl.
Paglabas niya nag-aabang si Luis. Hinatid siya nito sa Bayan.
Isang linggo niyang nilihim ang nangyari hanggang nung Mayo 28, 2014, sinundan siya ulit ni Luis sa palengke. Pagsakay niya ng traysikel umangkas ito at sinabing, “Usap tayo Beh!” “Ayoko!” mabilis na sagot ni Karyl.
Nahalata siya ng drayber na nanginginig siya sa takot, “Ne, anong nangyari sa’yo? May problema ba?”
Nagsumbong si Karyl sa drayber at pinagtapat naman ng drayber ang lahat sa ama ng bata. Mabilis silang nagpunta sa Muntinlupa Police Station. Nagsampa ng kasong Rape in relation to R.A 7610 o Child Abuse sa Prosecutor’s Office Muntinlupa City. Nagkaroon ng pagdinig at ‘di daw sumipot si Luis.
Ika-28 ng Hulyo 2014, nailabas ang resolusyon ni Asst. State Prosec. Maria Rhodora Salazar-Ruba. Nakitaan ng Probable Cause para maiakyat ito sa Korte. Nababaan ng ‘warrant of arrest’ si Luis Villacruis ng RTC-Branch 207 nung Setyembre 24, 2014, pirmado ni Presiding Judge Philip Aguinaldo.
Ika-10 ng Oktubre 2014, nagbalik sa amin ang ina ni Karyl. Binalita niyang nahuli na raw si Luis ng mga pulis habang nagtitinda sa palengke. May pangamba sa katanungan ni Maricel kung pwede ba makapagpiyansa itong si Luis? Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kasong Rape o R.A 8353 ay kasong kriminal na NO BAIL RECOMMENDED o walang piyansang katapat. Kaya walang dapat ikatakot itong sina Maricel. Kung gusto ni Luis na makapagpiyansa kailangan ng kanyang abogado na maghain ng Petition for Bail para malaman kung malakas ang ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya. Dito mapipilitan na iupo na ang biktima at pakinggan ng hukom ang kanyang salaysay. Kung mapatunayan naman ng ‘judge’ na kapani-paniwala ang testimonya ng 15 anyos na dalaga at ‘di siya pinayagan mag-‘bail’ malamang sa hindi, ang magiging takbo ng hatol ay ‘guilty beyond reasonable doubt’. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
- Latest