EDITORYAL - Gumawa ng paraan ang MILF
NILAGDAAN na ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong nakaraang Sabado sa Kuala Lumpur, Malaysia ang ikaapat at huling annex ng proposed peace deal para sa pagtatapos ng kaguluhan sa Mindanao. Apat na dekada na ang labanan sa Mindanao at maraming presidente na ang sumubok nang maraming paraan kung paano makakamit ang kapayapaan doon pero pawang nabigo. Sa halip na magkaroon nang katahimikan sa rehiyon ay lalong gumulo. Tinatayang 150,000 ang namatay sa labanan ng mga sundalo at rebeldeng Muslim mula 1970.
Ngayong natapos na ang pagpirma sa huling annex ang kasunod na nito ay pagbubuo ng batas na magtatatag sa Bangsamoro political entity. Ang Bangsamoro ang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na dating pinamunuan ni Gov. Nur Misuari. Si Misuari ang dating chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF). Ang MILF ay humiwalay sa MNLF. Unang nagkaroon ng usapan ang gobyerno at MILF noong Oktubre 7, 2012 nang ihayag ang Framework Agreement ng Bangsamoro. Nilagdaan sa Malacanang ang agreement noong Oktubre 15, 2012.
Katulad ng paghiwalay ng MILF sa MNLF, ganito rin ang ginawa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na pinamumunuan naman ni Ameril Umra Kato. Humiwalay ang BIFF at nagsagawa nang maraming pagsalakay para sirain ang negosasyon ng MILF sa gobyerno. Noong Martes, nagkaroon ng bakbakan ang mga sundalo at BIFF sa Rajah Buayan, Maguindanao. Umano’y 17 rebelde ang napatay.
Inaasahan na ang ganitong sitwasyon. Ganito rin ang MILF noon habang binubuo ang ARMM. Walang tigil din ang bakbakan. Sa pagkakataong ito maipakikita ng MILF ang kanilang pagtulong sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa mga dating kasamahan na magbaba ng armas. Kabisado na nila ang mga ito kaya madali na para sa kanila ang pakikipag-usap at pakikipagnegosasyon. Hindi na dapat palubhain ang sitwasyon.
Abot-kamay na ang minimithing kapayapaan sa Mindanao at sayang naman kung madidiskaril dahil lamang sa maliit na grupo. Ibuhos ng MILF ang pagtulong sa pagkakataong ito. Gumawa rin sila ng paraan.
- Latest