EDITORYAL - Maghihigpit ngayon pero bukas, luwag na naman
ALERTO ngayon at napaka-higpit nang ipina-tutupad ng mga establisimento particular na ang mga shopping mall. Kamakalawa, nabigo ang Donut Gang sa kanilang pagnanakaw sa Robinsons Magnolia sa Quezon City. Nakipagbarilan ang mga sekyu ng nasabing mall. Nakatakas naman ang mga kawatan sa kabila ng pagsusumikap ng mga guwardiya.
Ang pagkabigo ng grupo ay dahil sa mahigpit na pagbabantay ng mga sekyu. Ibig sabihin kung laging nakahanda ang mga sekyu, walang mangaÂngahas magnakaw. Kung ang paghihigpit ay lagi nang ipinatutupad ng SM Megamall, baka hindi nakapagpasok ng baril ang mga magnanakaw noong Sabado. Anim na kawatan na umano’y mga miyembro ng Ben Panday ang nagsagawa ng pagnanakaw sa isang jewelry store. Binasag nila ang eskaparate ng jewelry store sa pamamagitan ng liyabe tubo at nilimas ang mga alahas doon. Makaraang limasin, nagpaputok ng baril para magkagulo ang mga tao at saka sila tumakas. Hanggang ngayon hindi pa sila nadarakip.
Sa nangyari, todo higpit ngayon. Bawat bag, supot at kung anu-ano pang abubot ay sinasaliksik ng mga guwardiya. Kapkap dito, kapkap doon. Sinisiguro ng mga guwardiya na walang maipapasok na baril, patalim o kaya’y pampasabog.
Pero hanggang kailan kaya ang paghihigpit na isinasagawa ng mga sekyu. Hindi kaya sa isang linggo o sa susunod na buwan ay balik na naman sa dating kaluwagan. Magiging kampante na naman ang mga guwardiya at nawala na ang bangis ng paghihigpit. At muli, magpapakita lamang ng bagsik kapag may nakapagpasok na naman ng baril at nangholdap o kaya’y may nangyaring patayan.
Ganito palagi ang nangyayari. Pagkatapos ng pagsalakay, maghihigpit at kapag lumamig na ang isyu, balik sa dating gawi. Pabalik-balik lang.
Hindi ba maaaring panatilihin ang regular na paghihigpit sa araw-araw para hindi malusutan ng mga masasamang-loob? Kung pananatilihin na maghihigpit lamang kapag may nangyari nang aberÂya, saan patutungo ang bansang ito. Iiwasan ng mga dayuhan o turista ang bansang ito na walang seguridad, maski nga sa loob ng mall.
- Latest