Huwag magpakabusog
KAIBIGAN, isang magandang payo para sa ating kalusugan ay ang pagbabawas sa ating kinakain. Bilang pagpapatunay, ang mga tao ng Okinawa sa East China Sea ay may pinakamahabang buhay kumpara sa ibang tao. Maraming taga-Okinawa ang lampas sa 100 taon.
Gusto ba ninyong malaman ang sikreto ng mahabang buhay nila? Sagot: Hindi sila nagpapakabusog. Basta may laman lang ang tiyan nila ay puwede na. Hindi naman sila gutom ngunit hindi rin sila busog na busog.
May mga pagsusuri na nagpapakita na ang mga taong payat ay mas humahaba ang buhay kaysa sa mga taong sobra ang timbang. Tumingin kayo sa inyong paligid, ilang mga matatabang tao ang kilala ninyo na lampas na sa edad 70? Kadalasan ay magkakasakit na sila ng diabetes, sakit sa puso at altapresyon. Ang mga payat na tao naman na mababa ng 10-15% sa kanilang tamang timbang ay mas mahaba ang buhay.
Bakit masama ang pagkain nang labis?
Ang pagkain ng labis ay nagdudulot nang masamang epekto dahil nahihirapan ang ating katawan na tunawin ito. Dodoble ang trabaho ng ating atay, pale (pancreas) bato at puso dahil sa sobrang pagkabusog. Tataas din bigla ang ating asukal sa dugo (blood sugar). Kapag labis ang kinain mong karne, marami ring dumi (na kung tawagin ay “free radicalsâ€) ang ilalabas nitong mga pagkain.
Kaya ipinapayo ng eksperto ang pagkain ng “high nutrient at low calorie diet.†Ang ibig sabihin ay mataas sa nutrisyon ang iyong dapat kainin pero mababa naman sa calorie. Para matupad ito, subukang kumain nang mas maraming gulay, isda, prutas, beans at soy products (tofu, taho, tokwa).
Bawasan ang pagkain ng karneng baka at baboy, matatamis na inumin, at matatabang pagkain. Medyo limitahan din ang pagkain ng kanin (mga kalahati o 1 tasang kanin lang bawat kainan), pero damihan na lang ang gulay at prutas. Kung mababawasan mo lang ng 10% ang iyong kinakain ay pupuwede na.
Ang isa pang kasabay na payo ay ang pagkain ng 5-6 na beses sa isang araw, pero pakonti-konti lang. Ang isang saging, mansanas o pandesal ay puwedeng pang-meryenda na.
Sa ganitong paraan, dahan-dahan ang pagpasok ng nutrisyon sa katawan. Mas maginhawa ito sa mga organ ng ating katawan. At marahil dahil dito, kaya humahaba ang buhay ng mga taga-Okinawa. Gayahin natin sila. Huwag magpakabusog.
- Latest
- Trending