Tunay na yaman ang karunungan
Lagi tayong humingi ng karunungan sa Diyos sapagkat ito ang tunay na kayamanan na higit pa sa trono o setrong ginto. Ang Salita ng Diyos ang ating gabay sa Karunungan sapagkat nakatatarok nito ang mga iniisip at binabalak ng tao. Kaya sa ating pagyakap at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos ay patuloy nating hingin sa Kanya ang karunu-ngan. Ang tunay na karunungan ay bunga ng kabanalan na mahigit pa sa anumang kayamanan.
Maging sa ebanghelyo ay ipinagmalaki ng isang binata kay Hesus na tinutupad niya ang Sampung Utos na para sa kanya ay isa ng kabanalan at makakarating sa buhay na walang hanggan. Subalit nang sabihin ni Hesus na ipagbili nito ang kanyang mga ari-arian at ibigay sa mga dukha, nalungkot ang binata. Umalis ang binata. Kaya sinabi ni Hesus: “Madali pang makaraan sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.”
Butas ng karayom (needle’s eye) ang tawag sa kulungan ng mga kamelyo na sa kanilang pagpasok at paglabas ay paggapang na paluhod. Inaalis ng may-ari ang mga karga sa likod ng kamelyo sapagkat sagabal ang mga ito. Ganoon din tayo na sa ating paglilingkod sa Panginoon ay dapat nating iwan lahat ang mga sagabal. Sabi ni Pedro: “Iniwan namin ang lahat at sumunod sa Iyo”. Masasabi ko sa aking sarili na ako’y sumunod kay Hesus at anumang mga pagsubok Niya sa akin ay hindi ako pinababayaan. Iniwan ng binata si Hesus sapagkat hindi niya kayang ipamigay ang kanyang kayamanan.
Sina San Francisco ng Assisi, Santa Clara at marami pang mga banal ay ipinamigay ang kayamanan sa mga nangangailangan. Ipanalangin natin ang mga nakinabang sa mga lupain ng ating katutubong Pilipino na magliwanag ang kanilang isipan upang ibalik ang kanilang pinagmulang yamang lupa at sila ngayon ay tulungan ngayon. Tularan nila ang Amerika na ngayon ay patuloy sa kanilang pagkalinga sa native Indians matapos pakinabangan ng mga dayuhan.
Kar 7:7-11; Salmo 89; Hebreo 4:12-13 at Marcos 10:17-30
- Latest
- Trending