EDITORYAL — Class suspension, hindi dapat gawing katawa-tawa

NAGKAROON na ng leksiyon si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa ginawa niyang katawa-tawang pag-aanunsiyo ng suspension ng klase noong Hulyo 22 habang nananalasa ang bagyo at lubog sa baha ang maraming lugar sa bansa.
Humingi siya ng paumanhin at sinabing hindi na siya magbibiro sa pag-aanunsiyo ng class suspension. Sinabi ni Remulla na ginawa niya lamang ang naturang paraan para pagaanin ang sitwasyon at wala naman daw siyang masamang intensiyon. Hindi lang daw siguro siya naiintindihan. Palabiro raw talaga siya. Hindi naman daw niya minamaliit ang pinaghihirapan nila. Ang ginagawa lang daw niya ay ang pagpapaalala at ginawa niyang mas magaan para hindi negative vibes ang laging naririnig. Denepensahan naman ni President Marcos Jr. si Remulla.
Ito ang post ni Remulla:
Mga Abangers,
Sarap ng bogchi ko. Sa kabusugan ay nakaidlip nang sandali.
Oh eto na inaabangan ninyo:
#WalangPasok sa lahat ng baitang kasama kolehiyo at seminarista, at mga tanggapan ng gobyerno para sa July 23, 2025.
Para sa mga immortal na namamsukan bahala na mga boss niyo. Sila ang nakakaalam ng kinakailangan ng hanap buhay.
Keep Safe everyone
Pinutakti ng batikos si Remulla. Pati si VP Sara, nagkomento. Marami ring nagalit. Ganito raw ba ang maririnig nila sa opisyal ng pamahalaan. Hindi raw nakakatawa ang sitwasyon. Habang mayroong hinahagupit ng bagyo at tumatawid sa hanggang leeg na tubig ay nakukuha pang magpatawa ng DILG secretary.
Dapat daw maging maayos at malinaw ang paghahayag ng suspensiyon ng klase sapagkat mahalaga ito lalo na sa mga magulang. Marami nang pagkakataon na nababatikos ang pamahalaan dahil sa atrasadong pag-aanunsiyo ng suspension ng klase. Madalas, kung kailan nasa school na ang mga bata ay saka lamang iaanunsiyo na walang pasok.
Ngayon naman, maaga ngang inihayag ang class suspension, pero hindi maayos ang pagkakasabi. Mayroong oras para sa pagbibiro. Hindi dapat ginagawang katawa-tawa ang paghahayag ng class suspension.
Siguro naman ay nagkaroon na ng aral si Remulla. Hindi lahat nang oras ay dapat magbiro.
- Latest















