EDITORYAL - Babala sa iba pang opisyal ng gobyerno
GUILTY si Chief Justice Renato Corona. Dalawampung senador ang bumoto para siya ma-convict at tatlo para ma-acquit. Nagpapakita lamang ito na mas marami ang humatol na siya ay ma-convict sapagkat mabigat ang mga ebidensiya na iniharap laban sa kanya. Ang hindi niya pagdedeklara ng kanyang Statement of Assets and Liabilities and Networth (SALN) ang binigyang diin ng karamihan sa mga senator-judges. Maski si Senate President Juan Ponce Enrile na huling nagbigay ng kanyang boto ay sinabing dapat inilahad niya o dineklara ang kanyang mga ari-arian para sa transparency. Marami sa mga senador ang nagsabi na bilang pinaka-mataas na pinuno ng Korte Suprema, dapat nagpakita ng halimbawa si Corona. Siya ang dapat manguna sa pagpapamalas ng magandang halimbawa sa taumbayan.
Si Corona ang kauna-unahang Supreme Court Chief Justice na nilitis sa impeachment court. Mahigit apat na buwan ang tinagal ng paglilitis. Walong articles ng impeachment ang isinampa sa kanya ng House of Representatives pero tatlo lamang ang nanaig dito. Ang Article 2 ay ang pag-aakusa sa kanya ng pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan at hindi pagdedeklara ng kanyang ari-arian at mga kinita mula 2003 hanggang 2010. Ang Article 3 ay ang kawalan ng kanyang kakayahan na gampanan na may integridad ang kanyang tungkulin bilang pinakamataas na pinuno ng Korte Suprema at ang Article 7 naman ay ang pagpabor niya kay dating President Arroyo na makalabas ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalis ng temporary restraining order (TRO).
Ang pagkaka-convict kay Corona ay babala naman sa iba pang mataas na opisyal ng gobyerno. Kung ang mataas na pinuno ng Korte Suprema ay nahatulan ng guilty, maaari ring mangyari ito sa iba pang gumagawa ng katiwalian sa pamahalaan. Magsilbi sana itong paalala sa lahat ng mga taong gobyerno na pagbabayaran ang lahat ng mga ginawang kamalian. Isa rin namang dapat ipatupad ay ang pagpapakita ng lahat ng mga opisyal ng gobyerno ng kanilang bank account kagaya naman ng hamon ni Corona sa 188 congressmen. Kung walang itinatago. walang dapat ikatakot.
- Latest
- Trending