Unfriend
SA nakaraang mga buwan, madalas akong maimbitahang resource person sa radio, telebisyon at diyaryo sa impeachment trial ni Chief Justice Renato C. Corona. Hindi ko gaanong mawari nung una kung bakit iilan lang kaming “regular” na panauhin ng media gayong marami ang katulad kong may practice o nagtuturo ng Constitutional Law. Nang lumaon ay naintindihan ko rin na bagamat marami ang may opinyon o komento pabor o laban sa impeachment, hindi nangangahulugang handa silang ipagbigay-alam sa madla ang kanilang posisyon.
Kaya malaking ginhawa sa akin nang mag-holy week break ang Senado ay iba namang paksa ang ikinukonsulta ng Media. Ang lutang na lutang dahil Constitutional rights din ang sangkot ay ang kaso ng mga estudyanteng menor-de-edad ng St. Therese College (STC) High School Department sa Cebu na hindi pinamartsa dahil sa mga pribadong litratong lumabas sa kanilang Facebook accounts. Alam na ng lahat na ang mga tinutukoy na photo ay kuha nilang naka-bikini sa isang beach party. Ayon din sa ulat ay may specific section ang STC Student Manual na ipinagbabawal ang “Posing and uploading pictures on the Internet that entail ample body exposure”.
Napakaraming karapatan ang sangkot sa kasong ito. Sa panig ng mga bata, nandiyan ang bukambibig nilang freedom of expression; ang right to privacy din dahil wala namang pahintulot na binigay sa STC na pasukin ang kanilang facebook pages; at ang isyu na hanggang sa pribadong buhay ba’y maaring manghimasok ang paaralan sa iyong inaasal o limitado lang sila dapat sa school activities?
Sa panig naman ng STC, ano ba ang takdang limitasyon sa binibigay ng batas na Special Parental Authority sa mga paaralan habang ang isang menor de edad ay nasa kanilang poder? Sa larangan ng Contract law, epektibo ba ang mga kondisyon ng enrollment sa isang private school, tulad ng nakasaad sa Student Manual, upang matali ang kamay ng mga estudyante at magulang? At may karapatan ba silang mag-astang Leila de Lima at balewalain ang isang TRO ng hukuman?
Iilan lamang ito sa mga ipinanganak na side-issue ng Cebu Bikini Facebook controversy na kailangan sagutin bago maintindihan ng mabuti ang maapoy na usaping ito.
- Latest
- Trending














