Kahirapan bilang turismo?
May bagong uri ng turismo na unti-unting pumapasok sa Pilipinas: ang slum tourism.
Sa halip na mararangyang hotel, makasaysayang pook at magagandang tanawin, dinarayo ngayon ng ilang turista ang mga maralitang pamayanan upang masaksihan ang pamumuhay ng mga taong kapos sa buhay.
Sa Maynila, may mga tour package na nag-aalok ng pagbisita sa mga komunidad sa paligid ng Intramuros, mga pamilihang-bayan at dating Smokey Mountain. Ipinakikilala ang mga ito bilang pagkakataong makilala ang lokal na kultura at maunawaan ang realidad ng buhay sa lungsod.
Ngunit sa likod ng magandang paglalarawang ito, dapat harapin ang tanong kung makatao at makatarungang turismo ba o sadyang negosyo lang ito na nakapaibabaw sa kahirapan?
Datapwat may potensiyal na pansamantalang pakinabang ang slum tourism. Maaari itong magbigay ng hanapbuhay sa mga lokal na tour guide, magpasok ng kita sa komunidad at magmulat sa mga dayuhan tungkol sa hindi pantay na kalagayan ng lipunan.
Subalit hindi sapat na sabihing may ekonomikong benepisyo upang ituring itong makatarungan. Sapagkat para sa turistang nagbabayad, ilang oras lamang ang pagbisita sa isang maralitang pamayanan. Maaari siyang kumuha ng litrato, makinig sa kuwento at umuwi sa komportableng hotel.
Ngunit sa mga maralitang pamayanan, ang realidad ng kahirapan ay hindi palabas. Masakit na ganap sa kanilang buhay ang naipapamalas sa mga turista at walang kasiguruhan kung makakatulong ba ang mga ito upang maalpasan ang sitwasyon nila.
Dito sumasambulat ang panganib ng poverty porn—ang paglalantad sa kahirapan bilang isang panoorin na maaaring kunan ng larawan, ibenta at pagkakitaan. Nararapat bang gawing atraksyon ang kakulangan sa malinis na tubig, maayos na tirahan at disenteng kabuhayan?
Kung tunay na makatao ang slum tourism, dapat ang mga residente ang may kapangyarihang magpasya kung paano ipakikilala ang kanilang komunidad. Dapat malinaw kung saan napupunta ang bayad ng turista at kung gaano kalaki ang aktuwal na pakinabang ng mga mamamayan.
Hindi dapat maging kapalit ng makabuluhang pagkilos kontra kahirapan ang panandaliang pagbisita.
Hindi kailangan ng mahihirap na maging atraksyon upang mapansin ng lipunan. Ang kailangan nila ay oportunidad, disenteng pamumuhay at pamahalaang tumutupad sa tungkulin nito.
Hindi destinasyon ang kahirapan. Hindi palabas. At lalong hindi ito produktong dapat pagkakitaan nang walang pananagutan.
•••
Para sa komento: [email protected]
- Latest















