Paano maging lider?
SI Brother Gus Boquer ang napakabait na Presidente ng De La Salle University Health Science Insititute sa Dasmarinas Cavite. Sumulat siya ng isang libro, “Lessons I’ve Learned,” para sa mga pinuno ng eskuwelahan. Heto ang ilan sa kanyang mga payo:
Bilang lider, huwag ipahiya ang ibang tao sa harap ng publiko. Ipaliwanag sa kanya ang pagkakamali at ayusin na ang problema. Huwag nang pahabain pa.
Kapag ika’y nahaharap sa tukso, isipin kung paano haharapin ni Hesus ang problema. Ano ang gagawin ni Lord sa ganitong kalagayan.
Maging isang magandang halimbawa. Huwag iutos sa ibang tao ang hindi mo din gagawin.
Laging maging on-time sa mga appointments. Umpisahan ang miting sa oras at tapusin din sa takdang oras.
Matutong magsabi ng “Hindi” na hindi nakasasakit sa damdamin ng ibang tao. Makinig mabuti at sumagot ng magalang sa iba.
Bilang lider, magandang malaman mo ang birthday ng iyong mga empleyado. Batiin sila o bigyan ng cake sa kanilang kaarawan.
Bilang lider, kailangan pangalagaan mo rin ang iyong sarili. Magsuot ng tama, maging malinis sa katawan, at ituloy ang edukasyon sa sarili.
Ang lider ay may pananaw sa kinabukasan ng organisasyon. Marunong siyang magbigay inspirasyon at maglikom ng donasyon para sa eskwelahan.
Bigyan ng parangal ang inyong mga magagaling na estudyante at empleyado. Ipaalam ito sa pamamagitan ng streamers, bulletin board o ipahayag sa miting.
Maging organisado sa iyong opisina at gamit. I-file ang importanteng mga sulat, calling card at papeles.
Huwag magsalita nang masakit sa iyong kapwa na pagsisisihan mo balang araw. Matutong magpigil ng iyong damdamin.
Sa pagharap sa tao, matutong makinig hindi lamang sa sinasabi niya kundi pati sa kanilang body language. Sa pagbasa ng sulat, pakinggan ang tono ng sulat at matutong basahin ang gustong ipahiwatig ng manunulat.
Hindi mo kailangan itago ang iyong edad. Kahit ika’y tumatanda, lumalawak naman ang iyong eksperyensiya at nagiging mas matalino ka. Gamitin ang iyong kaalaman para gabayan ang susunod na henerasyon.
14. Laging tandaan na may dahilan ang Diyos para ilagay ka sa posisyon. Hindi ka niya bibigyan ng pagsubok na hindi mo kaya. Bibigyan niya tayo ng sapat na lakas at biyaya para malampasan ang kahit na anong pagsubok. Hindi ka nag-iisa. Kasama mo ang Diyos hanggang sa huli.
- Latest
- Trending