Huwag alisin ang mga bayani sa pera
Noong araw, nausong biruan na “Buti pa ang pera may tao pero ang tao walang pera.” Mas matindi ngayon kasi pati pera wala nang tao. Marami ang galit na galit sa pagtatanggal ng larawan ng mga historical persons sa salapi na pinalitan ng mga hayop at ibon na endangered species.
Katwiran ng Banko Sentral ng Pilipinas at iba pang monetary officials, mas matibay ang polymer plastic at makatitipid ang pamahalaan dahil hindi kailangan ang madalas na pag-imprenta ng pera.
Eh, hindi naman ang materyal na ginamit ang kinukuwestiyon ng tao kundi ang pagkawala ng larawan ng mga historical personalities at bayani sa salaping papel.
Bakit nga ba inalisan ng tao ang pera? May kinalaman ba ito sa pulitika? Iniisip kasi ng iba baka ayaw ng mga may hawak ng kapangyarihan na manatili sa salapi ang mukha ng kanilang mga mortal na political opponents.
Halimbawa, ayaw ni President Ferdinand Marcos Jr. na maging bayani sina Ninoy Aquino at asawang si Cory dahil sila ang may pananagutan sa pagpapatalsik sa tatay niyang si Ferdinand Sr. noong 1986.
Kung hindi political ang dahilan, ibalik ang larawan ng mga dating Presidente at bayani sa salapi. Puwede namang idisenyo ang pera na kasama ang mga endangered animals at historical figures kung iibigin. May dahilan kung bakit inilalakip sa salapi ang kanilang larawan.
Ito ay dahil naging bahagi sila ng kasaysayan na hindi dapat malimutan ng taumbayan. Hindi kailangang kabayanihan ang nagawa nila. Si Marcos Sr. halimbawa ay naghari sa bansa ng 20 taon. Di dapat makalimutan iyan ng susunod na henerasyon.
Mabuti man o masama ang naging ambag ng sino man sa kasaysayan, dapat mailimbag ang kanyang retrato sa salapi upang hindi makalimutan ang naging papel niya sa lipunan.
- Latest