^

PSN Opinyon

'Kay haba ng gabi'

- Tony Calvento -

ANIM NA TAON silang nagluluksa. Hindi sila nawawalan ng patay. Itim na ang palaging kulay ng mga damit ng kanilang mga kaanak. Ngayong taong ito dinanas nila ang pinakamalagim na trahedya ng kanilang buhay.

Nagsadya sa aming tanggapan si Maria Cresencia Alvarez o “Lovely”, 35 taong gulang.

Ang mga bangkay ng kanyang ama na si Ereneo “Atoy” Alvarez, 62 taong gulang at ng kanyang lolo na si Pablo Calestre, pitumput siyam na taong gulang ang gumulantang sa kanilang pamilya.

Ika-22 ng Hulyo 2011, bandang alas 4:00 ng hapon nakatanggap ng tawag si Lovely. Nagpakilala ito na si Liza, kaibigan ng kanyang ama na si Atoy.

Pinapapunta sila sa bundok malapit sa Hanjin, Subic Zambales kung saan nakatira si Atoy dahil pinatay daw ito pati ang kanyang Lolo Pablo.

Madaming tanong si Lovely. Hindi siya makapaniwala. Nang kumpirmahin ni Liza na patay daw talaga ang mga ito, nagbilin si Lovely na huwag ipapagalaw sa pulis ang bangkay habang wala pa sila.

“Lutang ako nun. Pilit kong sinasabi na sana pana­ginip lang ang lahat,” wika ni Lovely.

Bandang alas 10:00 ng gabi nakarating sila sa Zambales. Dala nila ang sasakyan ng punerarya.

Pumanik sila sa bundok kasama ang mga pulis. Madilim, tahimik, at malamig ang hangin. Gamit ang mga ilaw na ga­ling sa kandila, gasera at flashlight nakita nila ang dugong nakakalat sa paligid. Napahagulgol si Lovely ng makita ang bangkay ng kanyang Lolo Pablo na nasa labas ng kubo.

Biyak ang mukha, may pasa at tapyas ang kaliwang pisngi.

Naglakad siya at ang bangkay naman ng kanyang ama na si Atoy ang nakita niya. Nasa may pinto ito, nakadapa. Tadtad ng taga sa ulo at leeg si Atoy.

Alas 2:00 na ng madaling-araw nila naibaba ang bangkay ng mga ito. Dumiretso sila sa Subic Police Station.

Isang bata na itinago namin sa pangalang “Nikko”, 10 taong gulang ang nakapagkwento ng buong pangyayari. Isang alyas “Jun-jun Negro”, ang tinuturo niya. Nasa may babuyan si Nikko na hindi kalayuan. Doon siya naglalaro dahil siya ang inuutusang bumili ng pulutan.

Ika-22 ng Hulyo, alas 3:00 ng hapon nag-inuman sila Atoy at Jun Negro ng gin.

Nakita ni Nikko na tinabig ni Jun ang isang bote. “Hinihintay niya siguro kung anong magiging reaksyon ng tatay ko,” wika ni Lovely.

Muling itinumba ni Jun Negro ang bote.

“Nagkunwari siya na yung bote ang dadamputin niya yun pala humugot siya ng kutsilyo sabay sinaksak si tatay,” kwento ni Lovely.

Natulala ang bata. Sumigaw si Atoy ng, “Nikko… takbo!”.

Si Pablo’y natutulog walang kaalam-alam sa karahasang nangyayari sa paligid. Tumakbo si Nikko sa bahay nila Liza at doon nagsumbong.

Tumawag si Liza ng pulis at pinaalam kina Lovely ang nangyari. “Si Jun-jun Negro anak siya ng kabit ng tatay ko. Naikwneto ng tatay ko sa kanila na kapag namatay ang lola ko ay ibebenta na niya ang parte ng kanyang lupa,” kwento ni Lovely. 

Ayon kay Lovely, ang motibo sa pagpatay sa kanyang ama ay dahil sa inakala ni Jun-jun Negro na naibenta na ang lupa ni Atoy at may pera ito.

May malalim na galit si Junjun Negro kay Atoy dahil ang nanay niya ay minsang naging karelasyon (kabit) ni Atoy. Sinisisi niya si Atoy na siya ang dahilan kung bakit nasira ang kanilang pamilya. 

Ika-26 ng Hulyo, pumunta sa kanilang bahay ang mga pulis ng Subic, Zambales. May dala silang larawan na pinakita kay Nikko.

Kinumpirma ng bata na si Jun-jun Negro nga na nasa litrato ang pumatay. Ayon kay Lovely, pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Jun-jun Negro at may nakitang damit na puno ng dugo.

Pinapapunta sila sa Zambales para makuhanan ng salaysay ang bata at makapagsampa ng kaso.

Lahat daw sa pamilya nila Lovely ay takot at walang maglakas ng loob na sumama sa Zambales.

“Hindi ko alam kung buhay pa kami na makakabalik dito. Sana matulungan n'yo kami at maasistehan papunta doon. Gusto ko ng hustisya pero takot kami at bata lang ang kasama ko,” pakiusap ni Lovely. 

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng CALVENTO FILES DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Lovely.

Bilang tulong inirefer namin sila sa tanggapan ni Director Samuel Pagdilao ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang mapasamahan sila Lovely na makapunta sa Zambales.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang testimonya ng bata ang susi. Kailangang pangalagaan ang batang ito. Matapos makapagbigay ng salaysay sa gabay ng kanyang magulang o ‘Guardian’ hihilingin namin sa Prosecutor na ito’y irekomenda sa Department of Justice (DOJ) para ito’y mailagay sa ‘Witness Protection Program’ kapag nangyari ito siguradong maiibsan ang kaba at takot na bumabalot sa bigat ng kanyang gagawing pagtetestigo sa Korte.

Maganda din na siya’y sumailalim sa isang ‘psychological counseling’ dahil hindi biro na makasaksi ng isang brutal na patayan lalo na para sa isang paslit na hindi handa sa mga ganong karanasan.

(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

ATOY

JUN

KANYANG

LOVELY

NIKKO

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with