Glass Mansion issue
MABUTI na lang at kumpirmado na ang appointment ni Executive Secretary Paquito Ochoa. Kung hindi – ang isyu sa “glass mansion” sa White Plains, QC ay baka maging dahilan para hindi maaprobahan ng Commission on Appointment ang kanyang nombramiyento. Eh di sana tuwang-tuwa yung mga gustong ma-bokya si Ochoa!
Nag-issue ng statement si Ochoa para pabulaanan na siya ang may-ari ng multi-milyon pisong mansion. Aniya, ang totoong may-ari ay ang kanyang bayaw na si Jerry Acuzar, mister ng kapatid niyang si Tess. Kumbinsido naman ang Palasyo sa paliwanag ni Ochoa.
Ani Ochoa, nabili ng kanyang bayaw at kapatid ang mansion noon pang March 20, 2009 sa pamamagitan ng kanilang kompanyang Hedgerow Retain Holdings.
Ginamit umano ng mag-asawa ang law office na MOST dahil si Ochoa ay ”partner on leave” ng naturang law firm. Ang kompanyang Hedgerow ay may kinalaman sa ne-gosyong real estate at “build and sell” ng mga tahanan.
Kumbinsido naman ang Malacañang sa paliwanag ni Ochoa. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Edwin Lacierda pinatutunayan ng dokumento na hindi si Ochoa ang may-ari ng nasabing ari-arian.
“Batay sa mga dokumento, wala ang pangalan niya bilang may-ari ng nasabing bahay, at hindi siya bahagi ng mga stockholders ng record ng korporasyon. Kaya ang kasulatang nasabi ang magpapatunay nito,” ani Lacierda sa press briefing kamakailan.
Ayon kay Lacierda, malinaw na nakalagay sa kasulatan na hindi si Ochoa ang may-ari ng nasabing ari-arian.
Some people may take Ochoa’s statement with a grain of salt – lalu na yung mga gustong mawala siya sa puwesto. Kaya napakahirap ng kalagayan ng sino mang nanunungkulan sa gobyerno na animo’y tumutulay sa alabre at kaunting maling kilos ay tiyak na sesemplang.
- Latest
- Trending