R.A. 9995, masusubukan!
SA kauna-unahang pagkakataon, masusubukan ang pangil ng bagong batas na R.A. 9995 (Anti-photo and video Voyeurism Act of 2009).
Isang Dean ng isang pribadong paaralan sa kolehiyo sa Maynila ang unang masasampulan ng batas na ito matapos magtagumpay ang entrapment operation sa suspek kahapon ng hapon.
Kasama ang National Capital Region Police Office-Regional Special Task Group (NCRPO-RSTG) at BITAG, naisagawa ang operasyon sa isang kilalang motel sa Maynila.
Nagsimula ang lahat sa alok ng Dean na tinawag na “Kuwatro o Kuwarto”. Pag-enroll pa lamang daw ng biktima, inalok na siya ng suspek na kung gusto nitong pumasa sa lahat ng kanyang subject, sumunod lamang daw siya sa lahat ng gusto ng Dean.
Sa takot na hindi makapagtapos ng pag-aaral, nagpailalim ang biktima sa suspek. At ng magdesisyong bumitaw ang biktima sa Dean, dito nagsimula ang kanyang kalbaryo.
Ibinalandra ng Dean ang mga larawang hubad at malalaswang litrato ng biktima sa facebook na kuha ng kaniyang pakikipagtalik sa Dean. Bukod dito, lahat ng kaibigan ng biktima, pinadalhan ng kopya ng nasabing mga litrato.
Sa naidokumentong pag-uusap sa cell phone ng suspek sa biktima, gusto nitong makipagsiping sa biktima ng paulit-ulit.
Kung hindi raw susunod ang biktima sa kaniyang kagustuhan, nagbanta itong ilalabas ang mga natitira pang video at larawan ng kanilang pagtatalik.
Ayon sa orihinal na author ng nabanggit na batas ang dating Cyberboso Bill, pasok ang kasong ito ng biktima sa paglabag sa R.A. 9995 dahil sa pagdodokumento at pagpapakalat nito ng malalaswang larawan ng biktima ng labag sa kaniyang kalooban.
Dito na ikinasa ng BITAG ang aming patibong. Mismong biktima ang magiging pain upang ma-Bitag ang suspek.
Walang kahirap-hirap, dahil sa kahayukan, hubo’t-hubad pa itong naaktuhan ng BITAG at mga pulis ng NCRPO-RSTG sa loob ng motel na pinagdalhan nito sa biktima.
Dito, patung-patong na kaso ang isinampa ng biktima laban sa suspek. Ang mga ito ay sexual harrassment, violation of R.A. 9262 (Violence Against Women) at R.A 9995 (Anti-Voyurism Act).
Abangan ngayong Sabado sa BITAG ang buong detalye.
- Latest
- Trending
















