'Kalawit' (Subic Hulidap Story) (Last Part)
KATAKA-TAKA ang lakas ng loob ng suspek sa Hulidap sa Subic na si SPO1 Jules Maniago na ituloy ang panghihingi ng singkuwenta mil sa biktima kahit wala na sa kanilang poder ang sasakyan nito.
Kaya matapos ang entrapment operation sa SM Clark, dumiretso ang BITAG sa istasyon ng Pulis sa Olongapo City kung saan ikinulong ang mga biktima at pinalaya rin ito matapos makakuha ng pera sa biktimang Fil-Am.
Subalit bago dumiretso ang BITAG sa Olongapo Police Station 3, dumaan muna kami kasama ang NBI-NCR sa gasoline station kung saan nangyari ang pagkalawit sa mga biktima.
Kinumpirma naman ng mga guard sa nasabing gasolinahan na biglang dinampot ang tatlong tao, dalawang lalaki at isang babae ng mga nagpakilalang pulis. Nasa blotter report ito na binigyan kami ng kopya.
Sunod na binisita ay ang SBMA Law Enforcement Department, base sa certificate na nilagdaan ni LED Chief Ret. Gen. Orlando Madella, walang koordinasyon sa kanilang tanggapan ang nasabing drug-bust operation ng Station 3.
Nauna rito, nakakuha na rin ang NBI-NCR ng certificate mula sa PDEA Region 3 na walang timbre sa kanila ang Olongapo Police hinggil sa gagawing drug-bust operation sa loob ng SBMA.
Lumalabas, hindi lehitimo ang operasyon ni SPO1 Maniago at mga kasamahan nitong pulis sa Olongapo laban sa Fil-Am na hiningian nila ng P300,000.
Nabulabog ang Olongapo Police Station 3 ng dumating ang aming grupo. Nasapol ang front desk at ang kapitang deputy commander daw ng stasyon.
Wala sa kanilang blotter report na may isinagawang drug bust operation ang kanilang mga kasamahan sa loob ng SBMA.
Wala rin nakatalang may nakulong na isang Fil-Am, isang PDEA agent at isang babae sa kanilang kulungan noong Mayo 4 sa pagitan ng alas-7 at alas-8 ng gabi.
Abot-langit ang tanggi ng dalawang pulis na aming naabutan na merong ikinulong na tatlong tao base sa nabanggit na petsa. Subalit ang mga inmates sa loob ng kanilang kulungan, kumanta.
Kumpirmadong may mga ipinasok sa kulungan noong Mayo 4 at isa rito ay Fil-AM, pinalaya rin daw pagsapit ng alas-10 ng gabi. Eto ‘yung oras kung saan nakapagbigay na ng ransom ang biktima sa mga pulis.
Sa huli, si SPO1 Maniago ang natuluyang makalaboso. Nakausap na raw niya sa telepono ang kanyang mga bos-sing at padadalhan daw siya ng abogado.
Subalit natapos ang inquest proceeding sa DOJ, walang sumipot sa kaniyang mga kasamahan, walang abogado katulad ng ipinangako sa kaniya. Sa madaling salita, nilaglag siya sa oras ng bulilyasuhan.
- Latest
- Trending