^

PSN Opinyon

Bayad sa kapansanan ng seaman

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

SI Jason ay isang seaman. Natanggap siyang magtra­baho sa loob ng siyam na buwan sa isang shipping company sa pamamagitan ng ahente nitong PTC. Tatanggap siya ng suweldong $588 dolyares bukod pa sa overtime pay at iba pang benepisyo.

Matapos ang pagtatrabaho ng halos anim na buwan sa barko ng NB, ang M/S Nautilus, sinabi ng doktor ng kompanya na may sakit na “angina pectoris, arterial hypertension” si Jason. Nagrereklamo ang lalaki na su­masakit lagi ang kanyang dibdib dahil siguro sa pagtutulak ng mga drum na puno ng caustic soda. Matapos irekomenda ng doktor, agad na pinauwi sa Pilipinas si Jason noong Agosto 12, 2002 upang mas mapag-aralan ang kanyang sakit at upang ipaopera kung kailangan.

Naospital sa St. Luke’s Medical Center si Jason sa pangangalaga ni Dr. Al na doktor ng kompanya. Suma­ilalim siya sa coronary angiography at angioplasty na sinagot lahat ng kompanya. Binayaran din siya ng medical allowance sa loob ng 120 araw.

Matapos maopera, at suriin sa check-up, dineklara ni Dr. Al na maaari na si Jason na bumalik sa kanyang tra­baho bilang seaman basta alaga siya sa gamot. Ngunit dahil patuloy pa rin ang pagsakit ng dibdib at pagkahilo   ni Jason, humingi siya ng pangalawang opinyon mula sa ibang doctor, si Dr. Vic, isang independenteng cardiologist na nagsabing patuloy pa rin ang sakit na “hypertensive cardiovascular disease” ni Jason. Sabi pa ng doctor, 68.66 % porsyento lang daw ng kaliwang dibdib ni Jason ang gumagana. Hindi na raw maaaring bumalik pa sa pagiging seaman si Jason sa kahit anong kapasidad. Lulubha lang daw ang kanyang sakit kapag nagpumilit pa siyang magtrabaho. Ha­ bang buhay din ang gamutan sa kanya at dapat na banta­yan ang kanyang blood pressure dahil maaaring maulit ang pamumuo ng dugo kung hindi agad maaagapan.

Bilang miyembro ng unyon ng mga seaman (AMOSUP) kung saan may kasunduan (CBA) ang NB at PTC, humi­ngi si Jason ng kumpletong bayad para sa kanyang ka­pansanan (disability benefits). Ayaw magbayad ng NB at PTC kaya’t nagsampa ng rek­lamo sa NLRC si Jason para makahingi ng permanent total disability benefits, danyos at bayad sa abogado. Dahil sa magkaibang opinyon nina Dr. Al at Dr. Vic, napagkasun­duan ng bawat panig na ilapit ang kaso sa isa pang dok­tor na susuri kay Jason, si Dr. Rey ng Philippine Heart Center.

Matapos suriin si Jason, naglabas ng sariling medical certificate si Dr. Rey. Ang re­ sulta ng pagsusuri niya kay Jason ay halos katulad ng opinyon ni Dr. Vic. Kaya no­ong Hunyo 25, 2005, nagla­bas ng desisyon ang Labor Arbiter pabor kay Jason. Pi­nababayaran siya ng $60,000 dolyares bayad sa kanyang kapansanan base sa umiiral na CBA at 10% bilang bayad sa abogado o halos $6,000 dolyares. Sinang-ayunan ng NLRC ang desisyon ng labor arbiter maliban at binawasan ang bayad sa abogado at gina­wang $1,000 dolyares lamang.

Nang umapela sa Court   of Appeals, dineklara nito na per­manente man ang ka­pan­sanan ni Jason, hindi na­man ito lubusang nakaapekto sa lalaki dahil ayon nga sa pag­susuri ni Dr. Rey, 68.66% por­syento lang ang apektado. Binawasan pang muli ang ma­kukuhang benepisyo ni Jason at ginawang $34,330 dolyares lamang. Inalis din ang bayad sa abogado dahil wala naman daw basehan sa pagbaba­yad nito. Tama ba ang CA?

MALI. Ibig sabihin ng per­manenteng kapansanan ay hindi na muling magagawa ng isang empleyado ang nor­mal niyang trabaho sa loob ng higit pa sa 120 araw. Walang kinalaman dito kahit pa naga­gamit niya o hindi ang alin­mang parte ng kanyang kata­wan. Ang importante ay hindi na magagawang bumalik sa dating trabaho ng nasabing empleyado at hindi na siya kikita pa rito.

Sa Labor Code, ang kon­septo ng permanent total disability ay dapat gamitin sa mga seaman. Alinsunod ito sa tungkulin ng ating Saligang Batas na pagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga mang­ga­ gawa. Base ito sa kara­pa­tan ng manggagawa na ma­ba­yaran hindi dahil sa nata­mong sakit o pinsala kundi dahil sa naapektuhan na ang kakaya­ han niyang magtra­baho at ku­mita ng suweldo. Ang konsep­to ng permanent disability ay dapat hindi ayon sa medesina kundi ang ka­walan ng kakaya­han na mag­hanapbuhay.

Sa kaso ni Jason, mula ng ibalik siya sa Pilipinas noong Agosto 16, 2002 hanggang sa magsampa siya ng rekla­ mo sa NLRC noong Hulyo 14, 2003 o matapos ang halos 11-bu­ wan ay hindi na siya naka­ku­ha pa ng ibang trabaho. Sa ka­ bilang banda, pinatunayan ng pangatlong doktor na si Dr. Rey na talagang nanga­nganib ang buhay ni Jason, na may kinalaman sa trabaho niya ang kanyang sakit sa puso at hindi na siya puwe­deng magtraba­ho bilang seaman sa kahit anong kapasi­dad. Pareho ito sa resulta ng pagsusuri ni Dr. Vic. Narara­pat lamang na ba­ya­ran si Jason ng $60,000 dol­yares para sa permanenteng kapan­sanan na kanyang tina­mo at $1,000 dolyares bilang bayad sa abogado alinsunod sa naging desisyon ng NLRC. (Iloreta vs. Philippine Transma­rine Carrier Inc. et. al., G.R. 183908, December 4, 2009)

DR. AL

DR. REY

DR. VIC

JASON

KANYANG

MATAPOS

SHY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with