EDITORYAL - Nakalilitong pagtaas-baba ng petroleum products
MERON pa raw pagkaltas na gagawin sa kani-lang produkto ang oil companies. Ilang araw na inaanunsiyo ang kanilang pagkakaltas. Para bang isang napakalaking utang na loob sa kanila ang gagawin nilang pagkaltas sa presyo ng kanilang produkto. Mabuti naman kung magkakaltas sila. Ito naman ang hangad ng nakararaming motorista at taumbayan.
Ang nakapagtataka lang, kung gaano kabagal bumaba ang presyo ng gas, napakabilis naman nito kung tumaas! At nakapagtatakang hindi na sila nag-aanunsiyo ng pagtataas at karaka-raka ay itataas na agad nila. Magugulat na lamang ang motorista na nakapagtaas na ang mga kompanya ng langis. Ni hindi pa nararamdaman ang pagbaba kuno ng gas ay eto na ang mabilis na pagtaas. Nakapagtataka ring tumataas ang presyo ng gas habang nag-aanunsiyo naman na mababa ang presyo sa world market. Sa kasalukuyan, $68 bawat bariles ng crude oil.
At wala namang aksiyon sa nangyayaring sitwasyon si Energy secretary Angelo Reyes. Wala siyang maipaliwanag sa nangyayari. Kaya hindi masisisi ang ilang sector kung hilingin na siya ay bumaba na sa puwesto. Pero ang sagot naman ni Reyes, ginagatungan lamang daw ang isipan ng mamamayan ng ilang interests group. Hindi raw dapat takpan ang katotohanan. Ipinagmalaki pa ni Reyes na ang presyo ng gas sa Pilipinas ang pinakamura sa Asia at maski sa mundo.
Ilang ulit namang nagbanta ang ilang mambabatas na bubuksan ang libro ng oil companies para malaman kung nalulugi nga sila o hindi pero sa kasamaang palad hindi ito maisagawa. Pawang banta lang. Pawang pananakot lang. May pagkakataon naman na kapag nabuksan o napag-usapan ang libro ng oil companies, nagbababa sila ng presyo ng kanilang produkto. Para bang gusto lang nilang palamigin ang isyu.
Litung-lito na ang taumbayan sa taas-baba-taas-baba ng petroleum products. Kailan magwawakas ang pagkalito?
- Latest
- Trending