Bumili sa Generics Pharmacy at Botika Ng Bayan
DAHIL mahal ang presyo ng gamot, ang payo ko ay mag-generics tayo.
Bakit mura ang generics? Mas mura ang generics na gamot dahil hindi sila gaano gumagastos sa advertisements at promotion. Kaunti rin ang sinusuwelduhang empleyado, kaya mas mura ang benta nila. Isa pa, wala nang patent (open na sa publiko) ang mga gamot na ito kaya ang ibang kompanya ay puwedeng gumawa at magbenta nito.
Ang mga gamot para sa impeksiyon, altapresyon, diabetes at iba pa ay mabibili sa Botika ng Bayan. Mababa rin ang presyo ng mga gamot para sa lagnat, ubo, trangkaso at antibiotic.
Ang halaga nito ay mula P2 hanggang P8 lamang ang isang tableta. Kung ikukumpara natin ito sa mga gamot sa Mercury Drugstore, umaabot sa P20 hanggang P50 ang mga gamot dito.
Mabisa ang generics na gamot
Oo, mabisa ang generics. Alam kong may nagsasabi na mahina ang mga generics. Ang mga nagrereklamo ay ang mga dayuhang kompanya na nagbebenta ng napakamahal na gamot. Takot kasi silang humina ang benta nila.
Halimbawa, mas mabisa kaya ang pag-inom ng antibiotic na nagkakahalaga ng P200 bawat tableta o ang pag-inom ng murang antibiotic na P7 lang pero araw-araw mo namang iinumin ng 10 araw? Depende sa budget mo. Sa aking palagay, mas mabisa yung gamot na iniinom araw-araw. Walang epekto ang paisa-isang tableta lang.
Sa mga kompanya ng gamot, kung tunay na gusto n’yong tumulong sa mga Pilipino, ibaba ang presyo ng gamot. Sana ay huwag manira sa generics na gamot.
Mag-Generics tayo
Kung kayo ay mayaman, puwede kayong bumili ng mamahaling gamot sa drug store. Pero kung gipit kayo sa budget, ang payo ko ay mag-generics. Bumili ng sapat na gamot at inumin ng tamang dosis para tuluyan kayong gumaling. Magtiwala po kayo.
Suportahan natin ang Botika ng Bayan at Generics Pharmacy para lumawak pa ang kanilang matulungan.
Ang Botika ng Bayan ay isang proyekto ni Presidente GMA, Dating Secretary Obet Pagdanganan ng PITC at Secretary Francisco Duque ng Department of Health.
- Latest
- Trending