Salamat sa Diyos!
Ako’y taos-pusong nagpapasalamat sa Diyos, na gumaan na ang pinapasang krus ng aking partner na si Ted Failon at ng kanyang pamilya. Inilabas na ng NBI ang resulta ng kanilang imbistigasyon sa pagkamatay ni Trina Etong, at nagpahayag na kinuha nga niya ang sarili niyang buhay. Ilang linggong paghihirap, paghihinagpis, pagluluksa ang dinaanan ng pamilyang Etong, dahil sa pagkamatay ni Trina, at ang ginawang pagmamaltrato ng Quezon City Police District sa pamumuno ni Chief Supt. Franklin Mabanag.
Alam na ng buong bansa ang pagtrato at paghawak ng QCPD sa kasong ito. Ipinairal kaagad na pinatay si Trina, at hindi nagpakamatay. Ipinairal at ipinalabas kaagad na may krimeng naganap, at hindi suicide. Tinrato ang mga kapamilya at kasambahay ni Ted na parang mga pangkaraniwang kriminal sa lansangan. Walang-awang inilayo ang mga kapatid ni Trina sa kanya, para sa isang kasong walang kabase-basehan, habang namamatay na siya. Wala ni isang bahid ng paggalang sa kanila. Kumbinsido kaagad na lahat ng tao sa bahay ni Ted, pati na mga kapatid ni Trina, ay may kinalaman sa kanyang pagkamatay. Sa madaling salita, namersonal at hindi nagtrabaho. Kaya, ano na ngayon?
Siguradong nakahinga na ang pamilyang Etong sa pahayag na ito. Pero magiging pareho na ba ang buhay nila, matapos ang mga dinaanan nila sa kamay ng tadhana, at ng QCPD? Ganun na lang ba para sa mga pulis na namersonal? Sori na lang? Good luck na lang? Wala na bang pangamba ang pamilyang Etong? At ang mas mahalagang tanong, wala na bang gagawin ang PNP sa mga pulis na ito, na sa lahat ng anggulo ng kanilang imbestigasyon ay kitang-kita na may mga kamalian sila?
Dito natin makikita kung may katarungang lalabas pa sa insidenteng ito. Nasa Napolcom na ang bola. Ito ba’y wawalisin na lang at kakalimutan? Tatapikin lang ba ang mga kamay nina Mabanag at ang kanyang mga tauhan? O iiral ba ang hustisya at paparusahan ng nararapat na parusa para sa kanilang maliwanag na paglalabag sa proseso, patakaran, pati na ang kanilang pagmamalabis sa pamilyang Etong? Umikot nang maayos ang gulong ng hustisya sa NBI, sa dismaya siguro ni Sec. Raul Gon zales. Iikot naman kaya nang maayos sa Napolcom? Malamang niyan, absuwelto at baka itaas pa ang ranggo nila!
- Latest
- Trending