^

PSN Opinyon

EDITORYAL — PNP: Protector ng POGO

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � PNP: Protector ng POGO

MAHIGPIT ang babala ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil sa mga pulis na mapapatunayang protector ng Phi­lippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Papatawan umano ng disciplinary actions ang mga pulis na masasangkot sa POGOs. Hindi raw dapat masira ang integridad ng PNP na ang tungkulin ay magprotekta at magsilbi sa mamamayan. Hindi dapat masangkot ang mga pulis sa anumang illegal na gawain. Tiniyak ng PNP chief na mapaparusahan ang mga pulis na masasangkot sa operasyon ng POGOs.

Ang babala ni Marbil ay kasunod nang pagkaka­diskubre ng illegal POGO hubs sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga. Sinalakay ang POGO hubs sa Bamban noong Pebrero at Marso 2024. Ang POGO hubs na nasa 36 na buildings ay nasa lote na pag-aari ni suspended Bamban Mayor Alice Guo. Nasa likuran ng munisipyo ang POGO hubs at hindi nalalaman ng mga pulis at maski si Guo.

Ang POGO hubs sa Porac, Pampanga ay sinalakay noong nakaraang buwan at di-hamak na mas malaki kaysa Bamban sapagkat nag-o-operate sa 46 na gusali­. At gaya sa Bamban, wala ring nalalaman ang mga pulis sa Porac. Maski ang mayor sa Porac ay wala ring nalalaman na may illegal POGOs sa kanyang bayan. Itinuro ng Porac mayor ang Pagcor na may responsibilidad.

Sinibak lahat ni Marbil ang mga pulis na nakatalaga sa Porac dahil sa paglaganap ng POGOs doon. Ayon kay Marbil, pinaiigting pa nila ang pag-monitor sa illegal POGOs. Pati ang POGOs sa iba pang pro­bin­siya ay sinusubaybayan na nila at ang mga pulis na protector ay mananagot.

Noong nakaraang buwan, dalawang Special Action­ Force (SAF) troopers ang nabuking na nag-eeskort sa opisyal ng POGO sa Ayala-Alabang. Nakilala ang dalawang SAF troopers na sina Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez. Nakadestino ang dalawa sa Min­danao subalit narito sa Metro Manila para mag-escort at pinasusuweldo ng P40,000 bawat isa.

Noong nakaraang buwan din, isa pang pulis at isang sundalo ang nahuli habang nagsa-sideline na “escort service” ng POGO official sa Parañaque City. Naka­suot ang dalawa ng uniporme ng Highway Patrol Group (HPG). Nahuli ang dalawa sakay ng motorsiklo na may sticker ng HPG at inieskortan ang isang itim na Alphard na may sakay na Chinese. Tinangkang patigilin ng mga pulis ang Alphard pero mabilis na nakaalis.

Ang banta ni Marbil sa mga pulis na magpuprotekta sa POGOs ay dapat ipatupad nang maigting para hindi na maulit ang nangyari sa Bamban at Porac. Huwag hayaang ang maging kahulugan ng PNP ay: Protektor ng POGO.

vuukle comment

POGO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with