2010: Sino ang tutulong sa kalusugan?
MATAGAL nang alam ng mga pulitiko ang problema sa ating kalusugan. Una, nag-aalisan ang ating mga magagaling na doktor at nars. Sa katunayan ay 120 munisipyo ang walang doktor.
Pangalawa, kulang sa gamot at kagamitan ang mga health centers at mga gobyernong ospital. Pito sa sampung maysakit ay walang pera para makabili ng gamot.
Pangatlo, napakaliit ang budget na nilalagay ng gobyerno sa kalusugan, halos 50 sentimos lang bawat tao. Kaawa-awa talaga ang mga mahihirap na Pilipino.
Sinong tatakbong Presidente ang tutugon nito?
Hanggang ngayon ay wala pa akong nakikitang pulitiko na handang tumulong sa kalusugan. Tingnan natin ang bawat isa:
Si Senador Mar Roxas ang gumawa ng Cheap Medicines Bill, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nararamdaman ng madla ang epekto nito. Ayon sa mga nakaaalam, walang ngipin ang batas na ito dahil tinanggal na ang “generics only” at ang “price-control committee” na siguradong magpapababa ng presyo ng gamot.
Si Bise-Presidente Noli De Castro ay kahit minsan hindi ko narinigan ng malawak na proyekto para sa kalusugan.
Si Senador Loren Legarda ay may mga programa para sa pangangalaga ng ating kapaligiran. Ngunit sa tingin ko ay kulang siya sa malinaw na plataporma pag dating sa kalusugan.
Medyo mabango ang pangalan ni Senador Manny Villar sa mga doktor. Lagi niyang sinasabi na sumusuporta siya sa mga doktor, pero kung may konkreto siyang binabalak, ay hindi ko alam.
Marami pang mga tatakbo sa 2010 ang dapat natin ba nggitin, tulad nina DND Secretary Gilberto Teodoro, MMDA Bayani Fernando, Senador Richard Gordon at Senador Chiz Escudero.
Pasensya na po pero talagang wala pa akong nakikita na taos-pusong tutulong sa kalusugan ng bansa. Bakit nakaligtaan ang kalusugan?
Ito ang nakikita kong dahilan. Una, maliit lang ang boto ng mga doktor (70,000 ang bi lang ng doktor) at mga health workers. Pangalawa, baka hindi nila alam ang solusyon. Pangatlo, wala naman matinding nagrereklamo o nag-ra-rally.
Naniniwala akong nagsasalita ako para sa mga doktor: Dismayado kami sa mga puli tiko natin. Play safe lagi.
Kung may pulitikong tunay na tutulong sa kalusugan, handa natin siya suportahan at tulungan manalo. Buhay ng kababayan natin ang nakataya rito.
(E-mail: [email protected])
- Latest
- Trending