Pamilyang Pilipino ang sentro ng Pasko
Sa paglabas ng column na ito, marahil kayo ay namasyal na kasama ang pamilya at mahal sa buhay, o kaya naman ay naging abala sa simpleng salu-salo.
Marami sa atin, bumisita sa mga ninong at ninang habang ang iba naman ay nagpunta sa parke gaya ng Quezon Memorial Circle o sa mall para kumain, mamasyal at manood ng sine.
Talagang pamilya ang nasa sentro ng pagdiriwang ng Paskong Pilipino, maging ano pa man ang depinisyon mo sa salitang pamilya.
Naririyan ang tradisyonal na pamilya na binubuo ng mga magulang at kanilang mga anak. May mga pamilya na ang angkla ay ang lolo at lola na nag-aalaga ng kanilang mga apo dahil parehong nagtatrabaho ang kanilang mga magulang sa ibang ibansa.
May mga pamilya naman na ang pinuno ay isang binata o dalaga, o minsan nama’y pinamumunuan ng dalawang lalake o dalawang babae. May pamilya rin na binubuo ng magkakaibigan, at may tinatawag din na blended o step families mula sa magkapartner na may sari-sariling anak at ngayon ay nagsasama na sa isang bubong.
Kasabay ng pagbabago ng mundo, unti-unti ring nag-iiba ang mukha ng pamilyang Pilipino.
Sa harap ng mga pagbabagong ito, palaging naririyan ang pamahalaang lungsod para kayo’y alalayan at damayan.
Ngayong taon, naayos natin ang dokumento ng mga mag-asawang deka-dekada na ang pagsasama.
Binigyan natin ng karapatang magpasya ang LGBTQIA+ couples para sa kanilang partner kapag isa sa kanila ay kailangan ng atensiyong medikal.
Mabilis din nating tinugunan ang panawagan ng mga magulang na nasa abroad na kailangan ng tulong sa paggabay sa kanilang anak na nasa ating lungsod.
Sa harap ng paiba-ibang mukha ng pamilya, palaging naririyan ang Quezon City para suportahan ng mga pagbabagong ito at alalayan kayo sa gitna ng mga hamong dala nito.
Ngayong kapaskuhan, lahat tayo ay babalik sa ating pamilya. Ang bawat sandali na kapiling natin ang ating pamilya ang magbibigay sa atin ng lakas para bumangon sa araw-araw at harapin ang mga hamon ng buhay.
Muli, mula sa aking pamilya sa city hall at sa aming tahanan, Maligayang Pasko sa inyong lahat!
- Latest