Bagyo sa Pinas, hurricane sa Louisiana
SA loob ng isang taon ay mahigit 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas. Maraming namamatay at nasasalantang ari-arian. Sa pagkaalam ko, ang bagyong Frank na tumama sa Pilipinas noong Hunyo ang pinakamalakas at naging dahilan para lumubog ang M/V Princess of the Stars na maraming namatay. Hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik sa normal na posisyon ang barko na nakataob sa Sibuyan Island.
Maraming pang bagyo ang sumunod kay Frank at ayon sa weather bureau, marami pang bagyo ang mararanasan sa bansa hanggang December.
Subalit balewala ang mga bagyo sa Pilipinas sa bagyong nasaksihan ko sa New Orleans, Louisiana kamakailan lang na pinangalanang Hurricane Gustav. Hindi ko akalaing mangyayari ito sa mga modernong siyudad dito sa US.
Bumaha rito at grabeng lakas ng hangin. Dahil sa tindi ng hangin, nagliparan ang mga bubong at ikinaguho nang maraming bahay at gusali. Maraming ari-arian ang napinsala.
Naisip ko para rin palang Pilipinas ang gobyerno ng US partikular na ang mga matataas na opisyal ng New Orleans at State of Louisiana. Hindi kaagad nila inaasikaso ang pagsasaayos ng lugar. Nasalanta na rin ang nasabing lugar ng Hurricane Katrina tatlong taon na ang nakararaan
Ang Metro Manila ay ganito rin 'di ba? Nakagisnan ko na ang pagbabara ng mga kanal na nagiging dahilan ng pagbabaha ng kapaligiran. Ilang henerasyon nang ganito ng ganito ang nangyayari sa Metro Manila. Walang gaanong pagsasaayos ng mga daluyan ng tubig at laging barado sa basura. Kailan nga kaya matauhan ang mga opisyal ng gobyerno para malutas ang problemang baha.
Humanga naman ako sa magaling na paghahanda ng mga opisyal ng city, state at ang Federal governments ng US bago pa man dumating ang Hurricane Gustav sa New Orleans. Organized na organized ang lahat. May matutuhan sana ang gobyerno ng Pilipinas sa paghahandang ginawa ng Louisiana.
- Latest
- Trending
















