^

PSN Opinyon

‘Parang kagat ng langgam’

- Tony Calvento -

ITO AY KASO ng isang lalaking napahiya na idinaan sa biro ang pangyayari at sa hindi inaasahang pag­ ka­kataon nauwi sa isang  malagim na katapusan.

Nagsadya sa aming tanggapan si Marilyn Moral ng Parañaque upang humingi ng tulong hinggil sa kasong pag­paslang sa kanyang ama.

Tubong Misamis Oriental ang mga Moral. Binata pa lamang ang biktimang si Edelberto Moral, alyas Budoy, 54 taong gulang ay nagtatrabaho na ito sa Fiesta Brand. Nakilala at naging kasintahan nito si Andrea hanggang sa magpasya ang dalawa na magpakasal. Nagkaroon ng walong anak ang dalawa.

Ayon kay Marilyn, mahirap ang buhay nila sa probinsiya kaya naman nagdesisyon siya na lumuwas ng Maynila para dito magtrabaho upang makatulong na rin sa kanyang mga magulang. Ang apat pa niyang mga kapatid ay sumunod na rin sa pagluwas.

Ika-24 ng Disyembre 2002 bandang alas-7 ng gabi sa Purok Garcia, Brgy. San Luis, Gingoog City, Misamis Oriental naganap ang insidente. Galing noon sa trabaho ang biktimang si Edelberto nang biglang bumuhos ang ulan. Dahil dito, sumilong ito sa isang waiting shed sa nabanggit na lugar kung saan hindi naman kalayuan sa kanilang bahay.

Naabutan ni Edelberto ang grupo na nag-iinuman kabilang dito ang mga suspek na sina Alexander Yamson at Bobby Obedencio na pawang mga residente ng P. Garcia, Brgy. San Luis. Ang mga suspek na ito ay kilalang basagulero, manginginom at sugarol sa kanilang lugar

Sa hindi malamang dahilan ay pilit na pinapaalis ng mga suspek ang biktima subalit nagmatigas ito na magpatila muna ng ulan. Sinabi ni Edelberto na bakit siya paaalisin hindi naman nito pag-aari ang waiting shed at isa pa ay ayaw niyang mabasa ng ulan. Nagalit ang suspek na si Bobby kaya naman sinampal niya ang mukha ng biktima.

Imbes na makipagtalo dinaan ni Edelberto sa biro ang kanyang sinabi dahil nasa impluwensiya ito ng alak. ‘PARANG KAGAT LANG NG LANGGAM’ ang binitiwang salita ng biktima. Hindi naman nagustuhan ni Bobby ang pabirong sinabi ng biktima kaya mas lalong nag-init ang ulo nito. Habang nakatalikod ang biktima ay bigla na lamang niyang sinuntok ito sa panga dahilan para ito ay matumba.

“Hindi pa sila nasiyahan nang tumumba ang tatay ko sa pagkakasuntok ni Bobby. Pinagtulungan nila ni Alexander na bugbugin ang tatay ko na wala namang kalaban-laban sa kanila dahil may edad na rin ito,” sabi ni Marlyn.

Pinagbantaan naman ni Bobby ang mga nakasaksi sa pangyayari na sina Francisca Reyes at Fernando Vallejos na huwag silang pakialaman. Sa takot naman ng mga ito, hindi nilang magawang tulungan ang biktima dahil baka sila naman ang balingan ng mga suspek. Matapos ang nangyaring insidente umalis sina Alexander at Bobby sa pinangyarihan ng krimen. 

Tinulungan naman nina Francisca at Fernando ang biktima dahil nakita nilang hinang-hina ito. Inakala naman ng dalawa na tapos na ang ginawang pambubugbog subalit nagulat na lamang ang mga ito nang bumalik ang dala­ wang suspek. Pinagtulungan muling bugbugin nina Bobby at Alexander si Edelberto hanggang sa ito ay mag-collapse na.

Sinubukan naman ng mga testigo na pigilan sina Alexander at Bobby dahil sa nakita nilang kalagayan ng suspek ngunit hindi naman sila pinansin ng mga ito at pa­ tuloy pa rin sa kanilang ginagawa sa walang kalaban-laban na biktima hanggang sa  ito ay mawalan ng malay.

Matapos ang ginawang krimen mabilis na tumakas ang dalawang suspek habang ang biktima ay iniwan nilang nakahandusay na lang. Isang kapitbahay naman ang nag­punta sa bahay ng mga Moral upang ipaalam ang nangyari kay Edelberto. Mabilis namang tinunguhan nina Diosdada at Andrequeta ang ama. Naiwan ang ina nilang si Andrea sa bahay at dinala nila ang ama sa Gingoog District Hospital.

“Hindi na nakaabot pang buhay ang tatay ko sa ospital. Bugbog-sarado ang inabot niya sa dalawang suspek. Pati nga ang mga ngipin niya ay nalagas dahil sa kanilang ginawa,” pahayag ni Marlyn.

Agad naman nilang inireport ang nangyaring krimen sa himpilan ng pulisya. Alas-9 ng gabi nung araw din ‘yun ay nahuli ang mga suspek na sina Alexander at Bobby sa kani-kanilang mga bahay na nagsisimula nang magbalot ng kanilang mga gamit. Mabuti na lamang ay naging maagap ang mga barangay tanod sa kanilang lugar para sa agarang pagdakip sa mga suspek.

Nakulong ang dalawa subalit nakapaglatag naman ng piyansa si Alexander para sa pansamantala nitong kalayaan habang si Bobby naman ay nakakulong pa rin. Ayon pa kay Marilyn, nakikiusap si Alexander sa kanyang pamilya na maging pangunahing testigo sa kasong ito subalit tinanggihan nila ito sapagkat ang nais nila ay managot ang dapat na managot sa pagkakapaslang sa kanyang ama. Wala din silang balak na makipag-areglo.

Hanggang ngayon ay dinidinig pa rin ang kasong ito kaya naman umaasa si Marlyn na maging mabilis ang pag-usad ng kaso upang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang ama.

Para mga biktima ng krimen, pang-aabuso o may mga problemang legal maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.

* * *

E-mail address: [email protected]

BIKTIMA

BOBBY

EDELBERTO

NAMAN

SUSPEK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with