^

PSN Opinyon

Pidalistan

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
GRABE ang gulong nangyayari sa kaharian ng Monkey Queen at lahat na nang nais niyang gawin ay napipilitan siya at ng kanyang mga alipores. Wala nang magawa ang mga taong nasasakupan niya dahil nabili niya na lahat pati ang kanyang mga heneral.

Kung noong umpisa ay umaasa ang mga tao na mauuntog at magigising itong sila Gen. Singa at Gen. Spear-On at ipagtatanggol ang kanilang mga kababayan, ngayon ay suko na sila dahil nasilaw na husto ng mga ginto at salapi ang dalawa.

Mas matindi naman ang mga pulitikong kaalyado ni Monkey Queen dahil give na give na sila kapalit ng pork barrel at iba pang proyekto kuno samantalang ang mga kalaban naman nila ay patuloy naman ang bangayan at hindi pagkakasundo kaya naman patuloy ang pagreReyna ng Monkey Queen.

Ganunpaman marami pa rin ang lumalaban sa kanya, mga taga-media na hindi niya kayang bilhin, mga batang opisyal na puno pa rin ng idealismo, mga cause oriented group at ang iilang leader ng mga simbahan na patuloy na tumututol sa pagtanggap ng donation mula sa jueteng at sa mga pasugalang bangka pa ang administrasyon ng Monkey Queen.

Pero komo sigurista ang Monkey Queen ay ninais niyang makatiyak kaya lahat pa rin ng paraan ay ginagawa niya upang mabola, este mabili ang karamihan sa mga taong nasasakupan niya.

Hindi kasi kaila sa kanya na sa bawa’t 10 taong nasasakupan niya, walo ang nais na mawala na siya pero wala na lang magawa kaya sila na ang umaalis upang lisanin ang bayang minahal nila. Tahimik kasing tao ang mga nasasakupan niya kaya walang mga suicide bombers o assassin. Iyan din ang tanging dahilan bakit yang bayang yan ang napili niyang sakupin at gawing kaharian.

Problema lang nito, hindi lahat ay makaalis samantalang ang mga nakakalayas naman ay naiiwan ang mga pamilya na siya namang nagdudulot ng sobrang sakit at sama ng loob sa bawat isa.

Baon ang nasabing kaalaman, pinagpipilitan ng mga matsing, este mga utak ni Monkey Queen gaya ni little Miko chimpanzee at Punong gorilya na alisin ang anumang balakid sa kanilang patuloy na paghawak sa kapangyarihan.

Kabado sila na magkaisa ang kanilang mga kalaban at sabayan ng nag-uumapaw ng galit ng mga taong animo daga na ang pamumuhay kaya lahat ng paraan ay naiisip nila upang muling lokohin at bolahin este kumbinsihin ang mga taong nasasakupan na may kaligayahan sa pamumuno ng Monkey Queen basta baguhin lang ang pangalan at sistema ng gobyerno ng kanilang kaharian.

Sumumpa ang Monkey Queen kasama ang Taong Pusa sa kanilang mga anitong Diyos na giginhawa ang buhay ng mga tao kung gagawing Pidalismo ang sistema ng gobyerno at babaguhin naman ang Pangalan ng kanilang kaReynahan at gagawing Pidalistan.

Ang umpisa raw ng ginhawa nilang ito ay ang pumirma kapalit ng mga ilang pirasong saging na siyang magtatawid raw sa gutom nila. Tandaan raw natin na paborito itong prutas ng Monkey Queen na malamang raw ay lalong nagpatuso este talino sa kanya. May premyo ring maliit na papel sa iilang mga saging at ang makakakuha nito ay bibigyan ng libreng taya sa small monkey jueteng o SMJ na "magandang" project din ni Monkey Queen.

Doon naman sa ayaw talaga ng saging, may baryang pinamimigay si Punong gorilya na nanloko, oops mali na naman, nangakong umpisa lang yan at pag sinunod ang Pidalismo at Pidalistan ay lalaki ang tatanggapin.

"Pero bakit Pidalistan at Pidalismo?" Tanong na pilit ng isang matanda sa isang lider ng barangay na si Chairman Bukol-Kita-Kabig y Linta.

"Pidalistan dahil hango yun sa salitang PIDAL na nangangahulugan na lahat kayo ay kamag-anak at kapuso ni Monkey Queen dahil ang mahal na mahal esposo niya na si Big Gorilla ay galing sa isang PIDAL, since siya ang tinatawag nating INA o ATE ng bayan, di ngayon tunay na kayong magiging kalahi ng mga PIDAL," paliwanag ni Chairman Linta.

"Eh paano naman ang sistema ng PIDALISMO?" kulit pa ring pagtatanong ng matanda.

"Yan ang pinakamagandang sistema, komo galing sa PIDAL ay gaganda ang bansa natin dahil kakalat ang lahat ng uri ng sugal. Aagawin natin sa Las Vegas ang gambling capital ng mundo, take note hindi sa Macau dahil Asia lang sila, nais natin number one sa buong mundo, lalaki ang kita ng ating gobyerno at lalaki ang sharing ng mga kamag-anak at kapuso," paliwanag ni Chairman Linta.

"Komo kamag-anak at kaPuso na kayo dahil Pidal na nga kayo, kasali na kayo sa sharing, o di ba gaganda dahil makakaparte na kayo," dagdag ni Chairman Linta.

"Pero matindi niyan, kung kamag-anak ka na nga o kaPuso, hindi ka puwedeng imbestigahan ng kahit sino, hindi ka puwedeng tawaging magnanakaw o mandurugas o sinungaling o mandaraya dahil kasabwat ka este ka-share ka, tingnan mo si BOLAntro at si KArSINUNGAlingan labas pasok sa bayan at hinahatid at sinusunod pa ng taga immigrations, ayaw mo ba niyan, kaya PIRMA na at maging isang PIDAL. Mabuhay ang mga PIDAL," pahabol ni Chairman Linta.
* * *
Special thanks nga pala kay ka Lito Banayo sa magandang ideyang naibigay niya sa atin. Sa ating mga pakikipag-usap ay nakakakuha ako ng mga bagong ideya na naibabahagi ko sa mga kaibigan. Muli ka Lito, TY nang marami.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e-mail sa [email protected] o [email protected] o mag-text sa 09272654341.

CHAIRMAN LINTA

DAHIL

MONKEY

MONKEY QUEEN

NAMAN

NIYA

PIDALISTAN

QUEEN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with