^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Magandang balita mula sa DepEd

Pilipino Star Ngayon

DALAWANG magandang balita ang hatid­ ng Department of Education (DepEd) nga­yong­­ Nobyembre na inaasahang makatutulong sa pagtugon sa ilan sa matagal nang suliranin ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Una rito ang paglagda ni President Ferdi­nand Marcos Jr. sa Republic Act 12327 na mag­bibigay ng government-funded vouchers sa mga kuwalipikadong estudyante mula kindergarten hanggang senior high school upang ma­kapag-aral sa mga pribadong paaralan.

Prayoridad sa programa ang mga estudyanteng mula sa mga pamilyang kapos sa buhay, naninirahan sa mga lugar na walang malapit na public school o nagsisiksikan sa mga silid-aralan dahil sa kakulangan ng pasilidad. Tinatayang aabot sa P14,000 hanggang P22,500 ang halaga ng bawat voucher depende sa lugar na kinaroroonan ng estudyante.

Magandang hakbang ito sapagkat bukod sa pagbibigay ng pagkakataon sa mahihirap na es­tud­yanteng makapag-aral sa pribadong pa­aralan, makatutulong din ito sa pagbawas ng bilang ng mga estudyante sa nagsisikip na pam­­publikong paaralan.

Gayunman, kailangang maging mahigpit ang DepEd sa pagpapatupad nito upang hindi na maulit ang anomalya sa mga tinaguriang “ghost students” na pinagkakitaan ng ilang mapagsamantala.

Isa pang magandang balita ang pamamahagi ng mga laptop sa mga guro sa pampublikong paaralan sa ilalim ng DepEd Computerization Program.

Mahigit 231,000 laptop ang nakatakdang ipa­mahagi sa mga guro hanggang Marso 2027. Ka­akibat nito ang pagsasanay sa paggamit ng teknolohiya upang higit na mapahusay ang ka­nilang pagtuturo. Napapanahon ang programang ito lalo na ngayong mabilis ang pag-usad ng teknolohiya. Hindi dapat mapag-iwanan ang ating mga guro sa mga pagbabagong nagaganap sa larangan ng edukasyon.

Kapuri-puri ang dalawang hakbang na ito ng pamahalaan. Subalit hindi dapat kaligtaan ng DepEd ang mas malalaki at matagal nang suliranin ng ating sistema ng edukasyon.

Hindi pangmatagalang solusyon ang pagpapaaral sa mga pribadong paaralan kung patuloy­ na magkukulang ang mga pampublikong paa­ralan. Hindi rin sapat ang pamamahagi ng mga laptop kung hindi naman lahat ng guro ay ma­ka­katanggap nito.

Sana ay masundan pa ang dalawang magan­dang balitang ito ng mas agresibong pagpapa­tayo ng mga silid-aralan at pagkuha ng karag­dagang mga guro. Hindi dapat maging taunang problema ang kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with