P170,000 utang bawat Pilipino?!
Seryoso ba kayo, Senador Alan Peter Cayetano? Sa P19.66-trilyong utang ng Pilipinas, na katumbas ng tinatayang P170,598 kada Pilipino, boluntaryong kontribusyon ng mamamayan ang naisip ninyong solusyon? Hindi ito personal na obligasyon, pero bakit taumbayan na naman ang hinihingan ng sakripisyo?
Boluntaryo raw ang kontribusyon at handa siyang magbigay. Karapatan niya iyon. Ngunit hindi kawanggawa ang kailangan ng gobyerno kundi mahigpit na disiplina sa paggastos, responsableng pangungutang at walang kompromisong pagpapanagot sa mga opisyal na naglustay ng kaban ng bayan.
Bumili ng pagkain, magpagasolina, magbayad ng kuryente —may buwis. Maging ang suweldo ng maraming manggagawa ay kinakaltasan. Tapos, hihikayatin pang magbigay para mabayaran ang utang ng gobyerno? Aba, hindi ba sapat ang araw-araw na kontribusyon ng mamamayan?
Bakit hindi unahin ang pagbawi sa bilyun-bilyong pisong pinaghihinalaang kinurakot sa mga proyekto ng pamahalaan? Busisiin ang mga kontrata, habulin ang nakaw na yaman at kasuhan ang mga sangkot kapag may sapat na ebidensiya. Walang dapat santuhin!
Hindi masama ang pangungutang kung nagbubunga ito ng trabaho, imprastraktura at mahusay na serbisyo publiko. Ang masama ay ang pangungutang na walang malinaw na pakinabang sa mamamayan. Bawat pisong inutang ay dapat tumbasan ng konkretong resulta at pananagutan.
Senador, may kapangyarihan kayong busisiin ang pambansang badyet, imbestigahan ang katiwalian at magsulong ng mga repormang magpapalakas sa ekonomiya. Gamitin ninyo ang kapangyarihang iyan! Trabaho ng mambabatas na maglatag ng solusyon, hindi dagdagan ang pasanin ng mamamayan.
Hinamon ng Malacañang si Cayetano na pangunahan ang pagbibigay ng kontribusyon. Ngunit hindi palitan ng hamon ang kailangan ng bansa. Parehong obligasyon ng ehekutibo at lehislatura na protektahan ang kaban ng bayan at tiyakin ang wastong paggastos.
Hindi kakulangan sa kontribusyon ng mamamayan ang problema kundi kakulangan sa pananagutan ng mga namamahala sa kanilang pera. Huwag singilin ang taumbayang matagal nang nagsasakripisyo para sa kapabayaan ng gobyerno. Ang habulin ay ang nakaw na yaman. Ang singilin ay ang mga nangurakot. Ang panagutin ay ang mga nagpabaya!
- Latest















