^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Kapit-tuko

-
MAHIGPIT kumapit ang tuko. Kahit nga patay na ang tuko, mahirap pa ring alisin dahil sa higpit ng pagkakakapit. Ito marahil ang dahilan kaya ang tuko ang ginawang halimbawa sa mga taong ayaw bumitaw sa puwesto! Ang pagiging ‘‘kapit-tuko’’ ang isa sa mga hindi magandang ugali nang karamihan sa mga Pinoy. May mga Pinoy na kahit na niyayanig na ng kontrobersiya at kung anu-anong akusasyon ay nananatili pa rin sa kanilang puwesto. At sa maniwala o hindi, mas marami sa mga opisyal ng pamahalaan ang may ugaling ‘‘kapit-tuko’’.

At hindi ligtas dito ang gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Sa nangyayaring alingasngas sa Gabinete ni Mrs. Arroyo, hindi maiwasang makakita ng larawan ng pagiging tuko sa puwesto. At si Mrs. Arroyo na rin ang maaaring sisihin kung bakit nagkakaroon ng "tuko" sa kanyang administrasyon. Mayroon siyang "tinititigan" at "tinitingnan" na nagiging hadlang sa pagtatatag niya ng isang matibay na republika.

Mabilis umaksiyon si Mrs. Arroyo nang ipag-utos niya na imbestigahan si dating Education Sec. Raul Roco dahil sa pagkakasangkot nito sa katiwalian. Ang isang maganda ay hindi naging "kapit-tuko" si Roco at agad nagbitiw sa puwesto. Hindi rin naging "kapit-tuko" si Vice President Teofisto Guingona at nagbitiw bilang Foreign Affairs Secretary.

Mas mabigat magpasya si Mrs. Arroyo sa mga gusto niyang sibakin sa puwesto. Kamakailan ay sinibak niya sa puwesto si Environment Sec. Heherson Alvarez at Agriculture Sec. Leonardo Montemayor. Bigla rin niyang pinalitan si National Economic and Development Authority (NEDA) Dante Canlas. Nakalinya na rin umanong sibakin sa puwesto si Finance Sec. Jose Isidro Camacho at Interior Sec. Jose Lina.

Pero kung gaano kabigat sumiklab ang galit ni Mrs. Arroyo, wala rin namang kasing-lambot ang kanyang puso sa mga malalapit sa kanya. At ang kalambutan ng kanyang puso ay tila sinasamantala naman ng ilang "tuko".

Pinalawig pa ni Mrs. Arroyo ng 30 araw ang leave ni Justice Sec. Hernando Perez. Si Perez umano ang nag-request sa Presidente sa extension ng leave. At walang nakaaalam kung pagkatapos ng 30 araw ay makababalik si Perez sa puwesto o patuloy na i-extend. Maaaring makabalik si Perez sapagkat malambot nga ang puso ni Mrs. Arroyo.

May mga "kapit-tuko" sa puwesto at mayroon namang hindi. Resulta ito nang hindi pantay-pantay na pagtingin. Mayroong "tinitingnan" at "tinititigan".

AGRICULTURE SEC

ARROYO

DANTE CANLAS

EDUCATION SEC

MRS. ARROYO

PUWESTO

TUKO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with