200 bahay tupok sa sunog sa Mandaue City
MANILA, Philippines — Nasa 200 kabahayan ang natupok at tinatayang nasa P3-milyong halaga ang napinsala nang sumiklab ang malaking sunog sa Zone Talong, Brgy. Paknaan, Mandaue City, Cebu nitong Linggo ng gabi.
Sa report ng Mandaue City Fire Station, alas-7:33 ng gabi nang matanggap nila ang report hinggil sa nagaganap na sunog sa nasabing lugar na nagsimula sa two-storey na bahay ni Juliet Buscano at inuupahan ni Joseph Pacaldo. Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa mga kabahayan na karamihan ay gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Naitala ang unang alarma ng sunog alas-7:35 ng gabi at idineklara ang ikalawang alarma ng alas-7:44 ng gabi na sinundan ng ikatlong alarma bandang alas-7:55 ng gabi. Dakong alas-8:04 ang ikaapat na alarma at idineklara namang under control ang sunog ng alas-9:27 ng gabi hanggang sa ganap na naapula ang apoy ganap na alas-10:37 ng gabi.
Ang sunog ay puminsala sa nasa 6,000 metriko kuwadradong residential at commercial area sa lugar. Nasa limang firetruck at 32 bumbero ang nagresponde sa lugar na nagtulong-tulong upang maapula ang apoy.
- Latest