Drug den ni-raid ng PDEA-BARMM: Operator, 3 pa tiklo sa P102K shabu

COTABATO CITY, Philippines — Isang drug den operator at tatlong iba pa ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa isang entrapment operation sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City nitong hapon ng Miyerkules.
Nakumpiskahan sa naturang entrapment operation ng magkasanib na mga agents ng PDEA-BARMM at mga operatiba ng Cotabato City Police Office ng abot sa P102,000 halaga ng shabu ang drug den operator at kanyang tatlong kasabwat na ngayo’y pawang nakakulong na.
Ang apat na suspect ay nasa kustodiya na ng PDEA-BARMM at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, hindi na pumalag pa ang apat nang arestuhin ng kanilang mga agents at mga pulis matapos silang bentahan ng shabu sa kanilang drug den sa Purok Siyete sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City.
Pinasalamatan ni Castro si Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office at ang mga opisyal ng 5th Marine Battalion sa kanilang suporta sa matagumpay na entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa drug den owner kanyang tatlong mga tauhan.
- Latest