Batangas congressional candidate nanawagan ng ‘fair election’, umaray sa ‘harassment’
BATANGAS, Philippines — Nanawagan si Raneo “Ranie” Abu, congressional candidate ng Batangas’ 2nd District, ng patas at malinis na election sa kabila nang nararanasan nitong harassment mula sa kanyang mga kalaban sa pulitika.
Nag-ugat ang kanyang apela matapos maaresto si Bauan Mayor Ryanh Dolor, na isa sa kanyang suporter at tumatakbong vice-gubernor ng Batangas.
Naka-detine si Dolor sa House of Representatives matapos siyang arestuhin sa NAIA noong Huwebes makaraang ilang beses itong hindi sumipot sa hearing ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa privatization ng Bauan Waterworks System.
“Tama na, tama na ang pagpapahirap sa lahat ng matitindi kong kakampi sa pulitika,” ani Abu habang ibinibintang nito sa kampo ng kanyang kalaban na utak umano sa pag-aresto kay Mayor Dolor.
Kabilang din umano sa mga nakaranas ng harassment ang mga mayor ng Tingloy, San Pascual, Lobo at Mabini na pawang kaalyado ni Abu sa 2nd District ng Batangas.
Gayunman, hindi direktang pinangalanan ni Abu ang kanyang political rival.
Isinisi rin ni Abu sa kanyang kalaban ang inilabas na suspension order ng Ombudsman laban kina Lobo Mayor Lota Manalo at ang namayapa nitong asawa na si Vice Mayor Jurly Manalo.
Sa kakbila nito, binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng Ombudsman at iniutos na maibalik si Lota Manalo bilang mayor ng Lobo.
Si Abu ay naging kinatawan ng Batangas’ 2nd Congressional District sa Kamara de Representantes mula 2013 hanggang 2022 at naging Deputy Speaker mula 2016 hanggang 2020.
- Latest