Manager, tepok sa suntok ng obrero
Dahil sa ninakaw na plaka ng sasakyan
MANILA, Philippines — Patay ang isang 39-anyos na manager nang suntukin ng kapitbahay na kanyang kinompronta dahil sa paggasgas ng kanyang sasakyan at pagnanakaw ng plaka nito, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Muhhamad Ali Ramirez Macapundag, 39, may asawa, manager, tubong Marawi City at residente ng No. 39B Sta. Catalina St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Arestado naman ang suspek na si Joey Umuso Bulusan, 30, binata, construction worker, ng No. 5
St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit, QC.
Sa report ng Quezom City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU), bandang alas-11:30 ng gabi nitong Martes, nang maganap ang insidente sa St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PStaff Sgt Lorenz Mappala, bago ang insidente, sinabi ng biktima sa kapatid na si Mohalem na puwersahang tinanggal ng suspek ang plate number at ginasgasan pa ang kanyang sasakyan.
Dahil dito, kinompronta ng magkapatid ang suspek at hinahanap dito ang nawawalang plaka. Pero agad na nagwala ang suspek at at sumigaw ng mga salitang “Oo ako gumawa niyan, lasing ako, huwag ka mag-alala babayaran ko ‘yan” at sabay suntok sa mukha ang naturang manager.
Bagama’t gumanti ng suntok ang biktima at naawat, bigla siyang natumba at nawalan ng malay.
Naisugod pa sa Rosario Maclang General Hospital subalit binawian din ng buhay ang biktima.
- Latest