Higit P3 milyong halaga ng shabu nasabat sa 4 na ‘tulak’
MANILA, Philippines — Aabot sa higit P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Caloocan at Navotas City Police sa magkahiwalay na buybust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na high value individuals.
Batay sa report, sinabi ni Northern Police District (NPD) chief PCol. Josefino Ligan, arestado sina alyas Star, 39, ng Caloocan City; alyas Tropa, 40 ng Caloocan City; alyas Jimboy, 31 ng Tondo, Maynila at alyas Bibe, 37, residente ng Navotas City.
Sa report na isinumite ni Caloocan City Police chief PCol. Paul Jady Doles, isinagawa ang anti drug operations nitong Lunes ng gabi sa Phase 7A, Package 10, Kaagapay Road, Bagong Silang Brgy 176, Caloocan City ng mga operatiba ng OCOP-DEU, CCPS kung saan naaresto sina alyas Star at alyas Tropa.
Nakuha sa mga ito ang nasa 375 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P 2,550,000.00
Samantala, nasa P70,000.00 ang halaga ng shabu na nasabat ng mga tauhan ni Navotas City Police chief PCol. Mario Cortes kina alyas Jimboy at alyas Bibe.
Dakong alas-11 ng gabi nitong Martes nang ikinasa ng mga pulis ang buy-bust sa Tanigue St., Brgy. NBBS Dagat Dagatan, Navotas City kasama ang mga tauhan ng PDEA. Nakuha ang nasa 10.42 gramo ng shabu na may halagang P70,856.00.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.
- Latest