Traffic enforcers sa Metro Manila, ide-deputize ng MMDA
MANILA, Philippines — Inihayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ide-deputize na nila ang mga traffic enforcers sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila para ipagpatuloy ang pagbibigay ng traffic violation ticket sa mga motoristang may paglabag sa batas trapiko.
Ito ang napagkasunduan kahapon sa pagitan ni MMDA Acting Chairman Don Artes at ng mga alkalde ng Metro Manila sa isinagawang Special Meeting ng Metro Manila Council (MMC) na tumalakay sa naging desisyon ng Korte Suprema na ang MMDA ang may hurisdiksyon sa mga regulasyon sa trapiko, at nagbabawal sa mga LGU sa Metro na maglabas ng kanilang sariling traffic violation ticket.
“We have agreed to give local traffic enforcers in Metro Manila provisional authority for now to prevent anarchy on the roads,” ani Artes. Ang bawat LGU, depende sa pangangailangan, ay magsusumite ng listahan ng mga traffic enforcer na awtorisadong mag-isyu ng mga citation ticket upang mabigyan ng provisional deputization hanggang Disyembre 31, 2024, ani Artes.
Ito’y dahil sa kabila ng kanilang pahayag na maaari pa ring mag-isyu ng citation tickets ang local traffic enforcers dahil hindi pa naman final at executory ang desisyon ng Supreme Court, may natatanggap silang ulat na nakikipagtalo ang mga motoristang may paglabag at iginigiit na sa local traffic enforcers na hindi na sila awtorisadong mag-isyu ng citation tickets.
“Our immediate solution is provisional deputization of the traffic enforcers subject to the compliance to MMDA’s requirements and qualifications,” ani Artes.
Kapag na-deputize, ang mga local traffic enforcers ay magsusuot ng mga identification card na may markang “DEPUTIZED BY THE MMDA” upang ipakita sa mga motorista ang kanilang awtorisasyon na ipatupad ang mga patakaran at regulasyon sa trapiko, ani Zamora.
“If traffic enforcers do not enforce the law, we will see violations everywhere, which we want to prevent from happening,” ani pa ni Zamora.
- Latest