Iligal na paputok, kinumpiska sa Divisoria
MANILA, Philippines — Nagpapatuloy ang pangungumpiska ng mga iligal na paputok ng Manila Police District (MPD) sa Divisoria sa Maynila, ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Muling nagkasa ng operasyon kahapon ang mga tauhan ng MPD Meisic Station 11 at kabilang sa mga nakumpiska ang mga ipinagbabawal na paputok na bawang, five star, piccolo, at pla-pla.
Tiniyak ni Police Major Joselito de los Reyes, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Station 11, ang patuloy nilang pag-monitor sa bentahan ng iligal na paputok sa paboritong destinasyon ng mga murang bilihin pamasko at pam-bagong taon.
“If ever po may reported sa amin na mga ganu’n, immediately inaaksyonan po agad namin iyon. We will make sure na makakasuhan po sila kung sakaling wala silang permit,” saad ng pulis.
Samantala, mahina pa rin ang bentahan ng torotot at mga bilog na prutas kahapon. Inaasahan na tataas ito sa Disyembre 30 at kasabay nito ang pagtaas ng mga presyo, ayon sa mga vendors sa Divisoria.
- Latest