17 LGUs na kontra sa yosi pinarangalan ng MMDA
MANILA, Philippines — Ginawaran ng parangal ang 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila bilang pagkilala sa pambihirang pagsisikap sa pagpapatupad ng best-practice tobacco control policy o pagbabawal ng paninigarilyo sa kani-kanilang hurisdiksyon na ginanap MMDA Auditorium sa Pasig City kamakailan.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na ang pagsisikap na ginawa ng 17 Metro Manila LGUs sa pagsuporta sa kampanya laban sa paninigarilyo ay nagpapakita ng kanilang matibay na pangako sa pagprotekta sa kanilang mga nasasakupan mula sa mga panganib ng paninigarilyo.
Bukod sa 17 Metro Manila LGUs, anim na non-government organizations din ang ginawaran ng MMDA na kinabibilangan ng Action on Smoking and Health, Philippines (ASH Philippines), HealthJustice Philippines, Metro Manila Center for Health Development, Ateneo School of Government, Social Watch Philippines, at Transcending Institutions and Communities, Inc.
Nagpaabot ng tulong ang ASH Philippines sa MMDA sa pagsasagawa ng pagsasanay ng mga trainer at enforcer.
Samantala, nagbigay naman ng legal assistance ang Health Justice Philippines sa MMDA at NCR LGUs. Tumulong din sila sa paghahanda ng countermeasures para sa napipintong pag-atake ng tobacco industry sa usok at vape-free na mga ordinansa ng bawat LGU.
Ang Metro Manila Center for Health Development, isang aktibong katuwang sa pagpapatuloy ng mga aktibidad ng Regional Tobacco Control Network sa rehiyon, ay nagbahagi ng mga teknikal na opinyon at indicator para sa malusog na komunidad sa pamamagitan ng National Health Promotion Framework.
Pinadali ng Ateneo School of Government ang pagbuo ng Index for Tobacco Control Sustainability Tool, habang ang Social Watch Philippines ay dumalo sa mga quarterly meeting kung saan ibinahagi ang mga teknikal na input at adbokasiya na materyales.
Tinulungan ng Transcending Institutions and Communities, Inc. ang ahensya sa pagbuo ng kapasidad ng mga opisyal ng pampublikong impormasyon at mga opisyal ng turismo at pag-unlad ng kabataan. Higit pa rito, nagbigay din sila ng pagsasanay sa paggamit ng mga geographic information system sa pamamagitan ng kanilang malawak na network.
- Latest